top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

NBA All-Star Game, tuloy kahit may COVID strain para sa charity game

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 28, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 28, 2021





Lumalakas ang posibilidad na matuloy ang taunang All-Star Game matapos ang pulong ng NBA at Players Association (NBPA). May nabubuong panukala na ganapin ang laro sa Atlanta sa Marso 7 at ito ay magiging isang payak na laro na ang mga pangunahing layunin ay makalikom ng pondo laban sa COVID-19 at sa pag-aaral sa kolehiyo ng mga kabataang Aprikanong Amerikano.


Samantala, sa mga NBA game kahapon, humugot ng inspirasyon si Trae Young mula sa kanyang idolo Kobe Bryant at namuno sa 108-99 panalo ng Atlanta Hawks sa bisitang Los Angeles Clippers sa State Farm Arena. Malaki rin ang ambag ni shooter Kevin Huerter na uminit sa 4th quarter para umakyat ang Hawks sa 9-8 at wakasan ang pitong sunod-sunod na panalo ng Clippers na dumating wala ang matinik na tambalang Paul George at Kawhi Leonard.


Malaking papel ang ginampanan muli ni Pinoy pride Jordan Clarkson sa 108-95 pagwagi ng Utah Jazz sa New York Knicks, ang kanilang ika-siyam na sunod para sa kartadang 12-4 at pangalawa sa Western Conference. Binuksan ni Clarkson ang 4th quarter sa kanyang three-point play para maagaw ang lamang, 83-81, at umarangkada lalo ang Jazz salamat sa dalawang assist ni Clarkson at hindi na nakabangon ang Knicks sa nalalabing siyam na minuto, 91-81.


Nanguna para sa Jazz sina Royce O’Neale na may 20 puntos, Mike Conley na may 19 puntos at Rudy Gobert na may 18 puntos. Nagtala ng 13 puntos si Clarkson na naging kakampi si Bryant ng dalawang taon mula 2014 hanggang 2016 sa Lakers.


Matagumpay si John Wall at Houston Rockets sa bisitang Washington Wizards, 107-88, sa unang pagharap ni Wall sa dating koponan ng 10 taon. Uminit para sa sa 9 na puntos si Wall sa 4th quarter at tuluyang lumayo ang Rockets para sa ika-7 panalo sa 16 na laro.


Nagtapos si Wall na may 24 puntos sa 24 minutong paglalaro at sinundan nina Eric Gordon at Victor Oladipo na parehong may tig-20 puntos. Si Wall ang pinakaunang tinawag ang pangalan sa 2010 NBA Draft ng Wizards. Halos dalawang taong hindi siya naglaro matapos operahan sa sakong noong 2018 at ipinadala sa Rockets kapalit ni 2017 MVP Russell Westbrook noong Disyembre 2, 2020.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page