Naudlot na pag-aaral, sure na matutuloy at magiging CPA
- BULGAR
- Sep 24, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 24, 2022

KATANUNGAN
Huminto ako sa pag-aaral ng kursong BS Accountancy noong magte-third year na ako. Ibig sabihin, second year lang ang natapos ko dahil ang nangyari nang mga panahong ‘yun ay bigla akong nakapag-asawa. Gusto kong malaman kung muli ko bang maipagpapatuloy ang kursong ito at makaka-gradweyt ba ako balang-araw?
Hindi n’yo naitatanong, tatlo na ang anak ko ngayon, dalawang nasa grade school at isang prep. Gusto kong mag-aral ulit dahil nahihiya ako sa mga bata dahil kapag malaki na sila at tinanong sa school kung ano ang natapos ng nanay nila, wala silang masabi, samantalang Licensed Engineer ang aking mister at okey lang daw sa kanya kung mag-aaral akong muli.
KASAGUTAN
Tama ang binabalak mo, Clara, mas mabuti kung mag-aaral ka ulit dahil sigurado naman na mangyayari ang binabalak mo sa kasalukuyan na mag-aral muli, sapagkat pagkatapos ng mahabang pamamahinga o paghinto (Drawing A. at B. F-F arrow a.), muli namang sumikad paitaas at nagpatuloy hanggang sa makarating sa Bundok ng Katuparan (Drawing A. at B. F-F arrow b.) ang Fate Line (F-F) o ang Career Line sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na kung may kaya naman kayo sa buhay, dapat noon ka pa nag-aral nang sa gayun, bago nag-aral ang iyong mga anak ay nakatapos ka na rin ng kurso mong Accountancy.
Subalit gaya ng nasabi na, tapos na ang nakaraan, ang mas mahalaga ay naisipan mong maghanap ng bagong landas na magpapasigla sa iyong buhay at magbibigay sa iyo ng bagong diskarte, at ito ay ang muli kang makabalik sa eskuwelahan at kapag naka-gradweyt ka na ng BS Accountancy —sabayan mo ng pagre-review — madali namang kinumpirma ng malinaw at makapal na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow c.) na tumuntong sa Bundok ng Tagumpay (E-E arrow d.), kapag kumuha ng ka CPA board exam, may suwerte at kakayahan ka namang makapasa. At sa sandaling tanungin ng mga titser ang iyong mga anak kung ano ang natapos ng kanilang nanay, taas-noo at may pagmamalaki na nilang masasabing, “CPA po ang nanay ko!”
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Clara, sa susunod na semester, mag-enroll ka na upang makatapos ka agad. At habang nagkakaisip ang iyong mga anak, sa bandang huli, hahangaan ka pa nila dahil tulad nila, ang mama nila ay nagre-review na rin dahil may exam pa.
Ang ikinaganda nito, kapag nagka-honor ang iyong mga anak, ikaw naman ay tatanggap din ng sarili mong diploma at lisensya para sa natapos mong kurso at propesyon, patungo sa isang hindi na nakakaboring na buhay sa bahay at pag-aalaga ng mga bata kundi patungo sa bagong mundo at bagong pakikihamon bilang isang working at professional mom.







Comments