top of page
BULGARY - JULIA, ‘DI TOTOONG BUNTIS, BALIK-SERYE-IG _montesjulia08.jpg

Natuklasang ampon at nahanap ang biological parents, gustong bumalik

  • BULGAR
  • Oct 16, 2021
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 16, 2021


Dear Sister Isabel,


Isa akong ampon at kamakailan ko lang ito nalaman. Kaya pala hindi ko feel ang pagmamahal ng mga kinikilala kong magulang at parang kasambahay lang ang turing nila sa akin, madalas pa nila akong pinagagalitan. Minsan ay umiiyak na lang akong mag-isa sa kuwarto ko.


Ako ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Nag-iisa akong anak nilang maituturing pero hindi ko maramdaman hanggang natuklasan ko na ampon ako. Lihim kong hinanap ang tunay kong mga magulang. Naghanap ako sa Facebook nang lingid sa kaalaman nila at sa awa ng Diyos, natagpuan ko ang tunay kong mga magulang. Hindi naman ako galit sa kanila o nagkaroon ng sama ng loob sa ginawa nilang pagpapaampon sa akin dahil alam ko na ang lahat ng nangyayari ay may dahilan. ‘Ika nga, everything here on earth has a purpose.


Dapat nating tanggapin nang maluwag sa kalooban ang anumang kapalarang itinakda ng Diyos dahil may dahilan at Siya lang ang nakakaalam nito. Tanggap ko ang nangyari at gusto kong makipagkita sa biological parents ko, pero nag-aalala naman ako na hindi ito magustuhan ng mga umampon sa akin, baka magalit sila at gawan pa ako ng hindi maganda.


Willing naman ang totoo kong magulang na magkita-kita kami at kung gusto ko raw ay bumalik na ako sa kanila. Maayos na ang kanilang buhay at mayaman na sa kasalukuyan, hindi tulad noon na halos wala silang makain at nagkaroon ng malubhang karamdaman ang nanay ko kaya napilitan akong ipaampon.


Ano ang dapat kong gawin, ano ang sasabihin ko sa umampon sa akin para hindi sumama ang loob nila kung sasabihin ko na nakita ko na ang tunay kong mga magulang at gusto ko silang makapiling? Sana ay mapayuhan ninyo ako.


Nagpapasalamat,

Dolores ng Zambales



Sa iyo, Dolores,


Maraming salamat sa pagkonsulta mo sa akin tungkol sa problema mo.


Makabubuting ipagtapat mo sa mga umampon sa iyo sa lalong madaling panahon na alam mo na ang lahat tungkol sa pagkatao mo. Itaon mong nasa good mood sila at handang makinig sa iyo. Sa magandang pakikipag-usap at mahinahong pagpapaliwanag ng gusto mong gawin, unti-unti mong ilahad ang iyong mga balak.


Sa palagay ko naman ay mauunawaan nila na dumating na ang takdang panahon na hahanapin mo ang tunay mong mga magulang. Sabihin mo na hindi mo naman sila lubusang iiwanan. Halimbawa, ipaliwanag mo na sa loob ng isang linggo, apat na araw ka sa kanila at tatlong araw naman sa tunay mong mga magulang o vice-versa. At kung sasabihin nila na paminsan-minsan mo na lang silang dalawin at du’n ka na muna sa tunay mong mga magulang, mas mabuti.

Lahat ng nangyayari sa buhay ng bawat isa ay may katapat na solusyon, at nasa iyo na ang pagpapasya. Samahan mo na rin ng dasal upang patnubayan ka ng Espiritu Santo sa bagong buhay na gusto mong kaharapin sa kasalukuyan. Naniniwala ako na ang lahat ay mailalagay mo sa ayos. Isang magandang bukas ang naghihintay sa iyo sa piling ng dalawa mong mga magulang. Patnubayan ka nawa ng Dakilang Kataas-taasan.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page