National ID system na pang-track sa mga babakunahan ng COVID-19 sa ‘Pinas, pag-aralang mabuti!
- BULGAR

- Dec 17, 2020
- 1 min read
@Editorial | December 17, 2020
Bago matapos ang taon, may anunsiyo na ang ilang mga bansa tungkol sa pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19. Samantala, sa ‘Pinas naman ay inaasahan at pinaghahandaan na rin ng pamahalaan ang pagdating nito.
Kaugnay nito, iminungkahi na maaaring makatulong ang national ID system para sa maayos na rollout ng COVID-19 vaccine kapag naging available na ito sa bansa.
Maaari umanong gamitin ang biometric technology ng national ID system upang matiyak na makatatanggap ng bakuna ang mga nasa priority group, kabilang ang mga frontline health workers sa pribado at pampublikong sektor, senior citizens, indigent population at uniformed personnel at iba pa.
Gayundin, makakatulong ang nasabing sistema sa pag-track sa mga nabakunahan kahit pa sa mga rural areas at offline setting.
Maraming umaasa na ang bakuna kontra COVID-19 ang tatapos sa kalbaryo nating lahat kaya’t umaasa tayo sa maayos na sistema kaugnay nito — wala sanang mangyaring ‘palakasan system’.
Tunay na malaking bagay ito, lalo na sa usapin ng pagpapabakuna kung saan bukod sa bawal magkaroon ng aberya, malaking pera ang masasayang kapag may kapalpakan na naman.



Comments