Nasa ospital at gutom na gutom, may kaugnayan sa negosyo at planong kasal
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 21, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rod ng Pila, Laguna.
Dear Maestra,
Isa akong negosyante at ngayon ay medyo mahina ang kita ko dahil sa pandemic.
Gusto ko na rin sanang magpakasal, pero hindi ko muna itinuloy dahil sa sitwasyon ngayon. Madalas akong managinip na nasa ospital ako, tapos gutom na gutom na ako, pero wala namang nurse o attendant na nagdadala sa akin ng pagkain.
Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko, may kaugnayan ba ito sa pagiging negosyante ko at sa binabalak kong pagpapakasal?
Naghihintay,
Rod
Sa iyo, Rod,
Tama ka sa ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa ospital. Ito ay may kinalaman sa negosyo at balak mong pagpapakasal. Ibig sabihin, uunlad at magtatagumpay ka sa kasalukuyan mong negosyo. Bagama’t may pandemya, ituloy mo ang iyong negosyo.
Samantala, ‘yung gutom na gutom ka at walang nagbibigay sa iyo ng pagkain ay nangangahulugan na makakamit mo ang iyong mga pangarap sa buhay. Yayaman at titingalain ka sa inyong lugar dahil sa ipinakita mong sipag at tiyaga at dahil na rin sa sarili mong pagsusumikap sa kabila ng matinding pagsubok sa buhay.
Ang sabi mo ay nagbabalak kang magpakasal, ang panaginip mo ay nagpapahiwatig na maglalakbay muna ang mapapangasawa mo sa malayong lugar bago matuloy ang kasal ninyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments