Nasa likod ng mga pekeng trabaho na iniaalok online, panagutin!
@Editorial | November 2, 2021
Babala sa mga naghahanap ng trabaho, lalo na sa pamamagitan ng internet, naglipana ang mga manloloko.
Una nang nakatanggap ng hiling ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Madrid, Spain na beripikahin ang online job offer na fruit farm cashier sa naturang bansa na may sahod na 3,000 o 6,000 Euros.
Agad na nagbigay ng payo ang ahensiya na mag-ingat sa pag-entertain sa ‘too good to be true’ job opportunities sa abroad. Ito‘yung pag-aalok ng trabaho na malaki ang suweldo at benepisyo.
Isa ring palatandaan na scam ang trabaho ay kapag ang isang aplikante ay kinakailangang magpadala ng pera sa isang indibidwal sa pamamagitan ng remittance center.
Kaya huwag magpapadala sa magagandang alok o pangako at lalong ‘wag magpadala ng pera, kundi yari ka.
Karaniwan umanong ginagamit ng mga scammer ang pangalan ng mga legit na kumpanya at nagbibigay pa ng mobile number.
Isa sa mga puwedeng gawin upang matukoy kung totoo ang mga impormasyon ay tingnan ang address sa pamamagitan ng Google maps lalo’t minsan ay walang aktuwal na gusali ng kumpanya.
Bagama’t matagal na ang ganitong modus at nakakarating na sa mga awtoridad, sadyang may mga nakakalusot pa rin.
Nangangahulugan ito na kailangang mas paigtingin ang pagbabantay sa mga pasaway.
Ang kailangan lang siguro ay isang matinding halimbawa sa sinumang mahuhuli — mabigat na parusa na wala nang mangangahas na pamarisan ang ilegal na gawain.



Comments