Napasayaw sa tugtog ng violin, pahiwatig ng suwerte sa love life
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 17, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lorry Ann ng Cotabato.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyo. Dalaga pa ako at naghahangad na makapagasawa ng mabait, responsable at kung maaari ay mayaman din.
Napanaginipan ko na nanood ako ng musical show, tapos hangang-hanga ako sa tumutugtog ng violin dahil ang pogi at ang macho niya. Sa sobrang ganda ng tugtog niya, napasayaw ako at pati ang katabi ko ay napasayaw, hanggang ang lahat ay tumayo at sumayaw na rin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lorry Ann
Sa iyo, Lorry Ann,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nanood ka ng musical show at hangang-hanga ka sa tumutugtog ng violin ay may dadaluhan kang pagtitipon kasama ang mga kaibigan mo at mag-e-enjoy kayo sa nasabing pagtitipon.
Samantala, ang ibig ipahiwatig ng napasayaw ka sa ganda ng tugtog ng violin, gayundin ang katabi mo at lahat ng naru’n ay napasayaw, kaligayahan at kaunlaran ang nakatakda mong danasin sa susunod na mga araw.
Nangangahulugan din ito na susuwertehin ka sa pag-ibig, kung saan makakapag-asawa ka ng mabait, mayaman at responsable sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments