Napanaginipan ang yumaong mister, paalala na puwede pang mag-asawa
- BULGAR

- Aug 1, 2020
- 1 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 1, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Dexyryl na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko ang ex-husband ko, pero tatlong taon na siyang patay sa totoong buhay. Sa panaginip ko, nandito siya at naglilinis ng bahay namin, tapos naglaba pa siya. Noon, hilig talaga niya ang maglinis at siya rin ang naglalaba sa amin.
Mayroon kaming munting grocery kaya nagagawa niya ang ganu’n. Mabait at masipag ang mister ko. May mga nanunuyo sa akin, pero wala na sa isip ko ang muling mag-asawa. Ewan ko lang kung ano ang mangyayari sa buhay ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko tungkol sa asawa ko?
Naghihintay,
Dexyryl
Sa iyo Dexyryl,
Mahirap ang nag-iisa sa buhay, kung sakaling medyo bata ka pa, kailangan mo na muling mag-asawa. Ikonsidera mo ang bagay na ito dahil sa mga panahon ng buhay mo ngayon, may pagkakataon na puwede ka pang maghanap ng tulad ng mister mo na mabait at masipag.
Ang totoo nga, ito ang mensahe ng iyong asawa na idinaan sa pamamagitan ng iyong panaginip na kung mag-aasawa ka, ang pagtuunan mo ng halaga ay kung masipag at mabait ang lalaking may gusto sa iyo ngayon.
Huwag kang magkamali, ayaw ng asawa mo na mapahamak ka kaya mahirap nga lang paniwalaan, pero siya mismo ang gumawa ng paraan para siya ay iyong mapanaginipan.
Muli, ang gusto ng asawa mo ay masipag at mabait ang mapapangasawa mo tulad niya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments