Nangha-harass ng kliyente.. 3 lending companies, kinasuhan sa DOJ
- BULGAR

- Jun 21, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta | June 21, 2023

Nagsampa ng kasong kriminal ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga kumpanyang nangha-harass at namamahiya ng mga indibidwal na mayroong pagkakautang sa kanila.
Nagtungo sa DOJ nitong Martes si Oliver Leonardo, Director ng SEC para magsampa ng kaso laban sa tatlong lending companies, isang financing corporation at dalawang business process outsourcing na umano'y sabit sa pamamahiya, pananakot at pangha-harass sa kanilang mga kliyente.
Tinukoy ni Leonardo ang mga kumpanyang sinampahan ng reklamo ay FESL Lending Investor Corp.; FESL Business Process Outsourcing Services; Realm Shifters Business Process Outsourcing Services; U-PESO.PH Lending Corp.; Philippine Microdot Financing Corp.; at Armorak Lending Inc. na nag-o-operate sa ilalim ng "Ayuda's at Weloan".
Sinabi ng SEC Official na 28 tauhan ng mga nabanggit na kumpanya ang ipinagharap ng reklamo kabilang na ang ilang Chinese nationals na may-ari at nagpapatakbo ng nabanggit na negosyo.
Nakitaan aniya ng SEC ang mga respondents ng paglabag sa Lending Company Regulation Act, at Financial Products and Services Consumer Protection Act.
Binigyang-diin ni Leonardo na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang anumang uri ng pambabastos, pamamahiya, paglapastangan sa karapatan ng mga umuutang, at pagpapakalat ng mga contact details.
Mahaharap aniya sa multang P2 milyon at kulong na aabot sa limang taon ang mga mapapatunayang guilty sa nabanggit na paglabag.








Comments