Nang-ghost na bf, ‘di na makakabalikan kaya dapat nang mag-move on
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 14, 2022
Dear Maestro,
Nagkakalabuan na kami ng boyfriend ko dahil halos isang buwan na kaming walang komunikasyon mula nang bumalik siya sa probinsya dahil may aasikasuhin daw siyang lupa na ibinebenta ng mga kapatid niya at pagpaparte-partehan nila. Ang problema, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik at hindi ko na siya makontak. Siguro, nagpalit na siya ng number dahil baka ayaw niya na akong makausap.
Maestro, magkakabalikan pa ba kami at ano ang totoong dahilan ng biglaan niyang paglayo? Kung hindi na siya babalik, makakatagpo pa ba ako ng ibang lalaki na mamahalin ako nang panghabambuhay? February 12, 1991 ang birthday ng boyfriend ko, habang September 9, 1993 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Jheng ng Arkong Bato, Valenzuela City
Dear Jheng,
Bagama’t ang birth date mong 9 at 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) naman ang boyfriend mo ay sadyang compatible sa Numerology dahil pasok ito sa grupo ng mga bilang na tinatawag nating series of 3-6-9, at ito ang nanaig noong may relasyon pa kayo. Ang masakit nga lang, sa kasalukuyan ay posibleng hindi na ang mga numero ang nananaig sa inyo kundi purong Astrolohiya na.
Sa sandaling hindi ang mga numero ang nanaig sa inyong personalidad, bagkus, ang nanaig ay ang zodiac sign mong Virgo at Aquarius naman ang boyfriend mo, tulad ng nangyayari sa kasalukuyan, hindi kayo makakabuo ng meaningful at long lasting relationship sa dahilang hindi tugma ang inyong mga zodiac sign. Ibig sabihin, malabo na kayong magkabalikan o malabo ka nang balikan ng boyfriend mo na may magulong isip at walang linaw kung magpasya, dahil posibleng sa kasalukuyan ay nanaig na sa pagkatao niya ang zodiac sign na Aquarius.
Kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon, habang bata ka pa sa edad na 29, mag-move on ka na, kalimutan mo na siya at ituring mong kailanma’y hinding-hindi na siya babalik pa. Upang mas madali kang makalimot, tandaan mo ang sinasabi na “Being strong, sometimes means being able to let go.”
Kapag natanggap mo na hanggang ganu’n na lang ang inyong relasyon, mag-entertain ka ng ibang manliligaw na ka-compatible mo para makaranas ka ng pangmatagalang relasyon, na hahantong sa masaya at panghabambuhay nang pag-aasawa.
Ayon sa birthday mong September 9, 1993, ka-compatible ng zodiac sign mong Virgo, ang isang Taurus, Capricorn, Libra, Gemini, Pisces at kapwa mo Virgo, higit lalo silang may birth date na 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25.
Sa piling ng nasabing mga lalaki, makakasumpong ka ng tapat at pangmatagalang relasyon, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay nang pag-ibig, na nakatakdang mangyari, ayon sa iyong Love Calendar sa taong 2025 at sa edad mong 32 pataas.




Comments