top of page

Naliligo sa ulan, pahiwatig na labanan ang lungkot

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 7, 2020
  • 2 min read

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 7, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Jhossie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na naliligo ako sa ulan sa gitna ng street namin. Masama ba ang panaginip ko?


Naghihintay,

Jhossie


Sa iyo, Jhossie,


Siyempre, masama ang maligo sa gitna ng kalsada dahil ang paliligo ay dapat gawin sa lugar ng paliguan. Masama ang isang bagay o gawain kapag wala sa tamang lugar.


Buti na lang, sa panaginip ka naliligo sa gitna ng kalye, kumbaga, wala namang masama sa iyong ginawa dahil sa mundo lang naman ng mga panaginip ito nangyari.


Pero may isang masama na maaaring mangyari sa iyo na nagsasabing kapag hindi ka nakalaya sa kalungkutan, makararanas ka ng hindi magagandang kaganapan.


Kapag hindi natalo ang kalungkutan, ito ay lumalala at nauuwi sa depresyon. Gayundin, kapag hindi naagapan ang depresyon, ito ay lumalala rin at nauuwi sa matinding kalungkutang babalot, hindi lang sa buong katawan kundi maging sa kaluluwa at espiritu.


Kaya malinaw na ang mensahe ng iyong panaginip ay labanan mo ang kalungkutang nadarama mo. Paano? Simula ngayon, pasayahin mo ang iyong sarili. Simpleng saya lang at ‘yung hindi naman magastos.


Tulad ng panonood ng masasayang palabas, pakikinig sa mga nakaaaliw na kuwentuhan, magsasayaw kahit nag-iisa ka lang. Minsan, akala ng tao, kapag sinabing kailangan mo ang magsayaw ay mahirap na sundin.


Ang mahirap ay ‘yung totoong pagsasayaw dahil bumibili ng maraming mga araw ang dancer bago ma-perfect ang mga galaw. Pero ang sinasabing magsayaw na panlaban sa lungkot ay simple lang at madaling gawin.


Oo, madali lang itong gawin kaysa maligo sa gitna ng kalye. Humakbang ka ng dalawa, pero dapat may musika kang naririnig. Tapos, isang atras na paghakbang, tapos dalawang hakbang pasulong.


Ganu’n nang ganu’n at magugulat ka dahil sa huli ay pati balakang, mga kamay, braso at ulo ay sumasabay na sa musikang naririnig mo.


Subukan mo ito dahil wala namang mawawala sa iyo kapag sumayaw ka.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page