- BULGAR
Naligo sa snow, pahiwatig ng kaligayahan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 14, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jessy ng Roxas City.
Dear Maestra,
Gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko sa inyo tulad ng marami n’yong tagasubaybay. Napanaginipan ko na umulan ng snow at nakatuwaan kong maligo, kumuha ako ng sabon na pampaligo at sarap na sarap akong naligo sa snow. Hindi ko inalintana kahit napakalamig ng snow at palakas nang palakas ang patak hanggang maging snow storm. Gayunman, tuloy-tuloy din ang paliligo ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jessy
Sa iyo, Jessy,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na naligo ka sa snow kahit ang lamig-lamig nito at sarap na sarap ka pa ring naligo. Ito ay nangangahulugan ng kaligayahan at kasaganaan.
Ang snow storm naman ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng sagabal sa iyong plano, pero malalagpasan mo rin naman agad ito.
Samantala, ang sabi mo ay kumuha ka ng sabon at ginamit mo ito sa iyong paliligo. Ito naman ay nangangahulugan na may paparating na gulo sa buhay mo. Madadamay ka sa kaguluhan, pero maiiwasan mo ito kung gagamitin mo ang iyong isip at talino. Maging mahinahon ka sa lahat ng sandali. Iwasan mong maging mainitin ang ulo at pabigla-bigla sa iyong mga diskarte sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna