Nakontrol ang sunog sa kahuyan, pahiwatig na kumilos kahit walang ideya sa mga kaganapan sa buhay
- BULGAR

- Nov 29, 2020
- 3 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 29 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Wilma na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nag-aalala ako dahil nanaginip ako na nasa dagat ako, as in, sa gitna ng karagatan. Lumalangoy ako at masyadong maalon sa gitna ng dagat, tapos lumangoy ako nang lumangoy hanggang nakarating ako sa pampang. Tapos, lakad ako nang lakad paakyat ng bukid dahil may paparating na tsunami. Noong nasa kahuyan na ako, hindi ako makapunta sa itaas dahil may sunog doon, as in, malaking sunog at parang impiyerno tulad ng mga nakikita natin sa palabas sa TV o pelikula.
Tapos, may nagsabi sa akin sa panaginip ko na kaya kong kontrolin ang aking isip para mahinto ‘yung sunog. Parang magic, nakontrol ko ang utak ko at huminto ang sunog hanggang umaliwalas na ‘yung paligid.
Naghihintay,
Wilma
Sa iyo, Wilma,
Sa kasalukuyan, ayon sa panaginip mo, dumaraan ka sa isang pagsubok kung saan hindi mo malalaman kung iyong kakayanin o ikaw ay matatalo. Pero ang tao, ‘di ba hindi naman nawawalan ng mga pagsubok? Kumbaga, normal lang ang pagdating at pag-alis ng mga pagsubok sa ating buhay.
Ang iba, nag-aakalang kapag ginagamitan ng talino ang pagsubok, matatalo na niya. Ang iba naman, nag-aakalang kapag hinaharap nang mukhaan ang mga pagsubok, sila ay mananalo. Ang iba pa nga, nag-aakalang kapag humingi sila ng tulong sa malalapit sa buhay nila, mareresolba na nito ang mga pagsubok. Karamihan, ipinauubaya kay Lord ang lahat, kumbaga, iba’t iba ang inaakala ng tao na panlaban sa mga pagsubok.
Mayroong lumang kuwento na paulit-ulit na ikinukuwento ng lola ko, at ito ay tungkol sa matanda at batang palaka na nahulog sa timba na may gatas ng kalabaw. Noong mga bata pa kami, maraming palaka rito samin sa Bulacan at marami ring gatas ng kalabaw. Kaya ang kuwento ni lola ay gustung-gusto naming pakinggan dahil naglalarawan ito ng buhay sa probinsiya.
Sabi ni lola, sa dalawang palakang nahulog sa timba ng gatas, matandang palaka ang makakaligtas dahil may talino siya dahil sa kanyang edad. Pero wala ring nangyari dahil nasa loob pa rin ng timba ang dalawang palaka. Kaya ang ginawa ng matandang palaka, nagrosaryo at tinawag ang lahat ng santo, pero nandu’n pa rin sila sa timba.
Pero ‘yung batang palaka ay kilos nang kilos at wala siyang ginawa kundi magkikilos. Sa kakikilos niya, naging keso ang gatas sa timba at dahil solid ang keso, nakatalon silang dalawa at tuwang-tuwa sila dahil sa sila ay nakaligtas.
Dito sa Maynila, wala namang gatas ng kalabaw, keso at palaka, pero rito sa siyudad, ang mga pagsubok ay hindi nawawala. Kung susuriin natin ang kuwento ni lola, may aral tayong makukuha — kapag hindi tayo pumayag na matalo ng pagsubok at kilos tayo nang kilos kahit hindi tayo nakapag-aral o wala tayong alam sa nangyayari sa atin, mas malamang na malagpasan natin ang kahit na anong malaking pagsubok.
Sa pagkilos, lalabas ang ating tunay na lakas, kumbaga, ang todong puwersa natin ay lilitaw kung saan siya mismong sinasabi ng iyong panaginip na nakontrol mo ang sunog. Oo, parang magic ang epekto ng pagkilos dahil mahimalang malulutas nito ang ating mga suliranin.
Pero kung hindi tayo kikilos, para na ring sinabing talo na tayo, kumbaga, game over na. ‘Yan ang hindi puwedeng mangyari sa iyo ngayon, kaya kilos na at kilos pa kahit hindi mo nauunawaan ang mga nangyayari sa iyong buhay sa kasalukuyan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments