- BULGAR
Nakapaa, pahiwatig ng komportableng pamumuhay
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 10, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gina ng Bulacan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nasa loob ako ng simbahan. Nirerebyu ko ‘yung novena sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo kung saan ako ang mamumuno, pero nakita ko na may iba nang naka-assign na magre-recite ng novena. Tapos tinawag ako ng co-sister ko dahil ako ang magbabasa sa misa sa halip na sa novena, at pahina 201 ang babasahin ko. Lumapit ako sa ambo para tingnan ang pahina, pero nandu’n na ang pari, kaya hindi ko na narebyu ang babasahin ko.
Nagmamadali akong pumunta sa bungad ng simbahan, pero wala akong sapatos, kaya agad-agad akong naghanap ng sapatos sa mga naiwan sa bungad ng pinto, pero walang magkaterno at iba ang partner ng sapatos na nadadampot ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gina
Sa iyo, Gina,
Maganda ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na nasa loob ka ng simbahan at nirerebyu ang novena para sa Ina ng Laging Saklolo. Ang ibig sabihin nito ay may magandang balita kang matatanggap mula sa isa sa mga kasamahan mo sa simbahan. Ito rin ay nagpapahiwatig na makakatanggap ka ng malaking halaga ng mana mula sa namatay mong kamag-anak.
Ang pahina 201 na in-assign sa iyo para basahin ay nangangahulugan na yayaman ka sa huling bahagi ng iyong buhay. Magsisimula ka muna sa unang baitang hanggang makamit mo ang lubos na tagumpay.
Samantala, ang sapatos sa panaginip mo na ang sabi mo ay hindi mo makita ang kapares at puro hindi magka-partner ang nadadampot mo ay nangangahulugan ng paglalakbay. Hindi magiging successful ang binabalak mong paglalakbay sa iba’t ibang lugar dahil puro kalituhan ang mararanasan mo. May mga sagabal din sa bawat lugar na daraanan mo.
Gayundin, ito ay nagpapahiwatig na sa dami ng admirers mo, hindi mo matagpuan ang iyong katapat at puro malayo sa panlasa mo ang mga lalaking nagpaparamdam sa iyo. Gayunman, pinagtitiyagaan mo sila at pinagbibigyan kapag gustong makipag-date.
‘Yun namang nakapaa ka, kaya agad kang naghanap ng sapatos ay nagpapahiwatig ng komportableng pamumuhay, hindi kinakapos at may tatanggapin kang karangalan sa inyong lugar sa darating na mga araw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna