ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 22, 2024
Star-studded at marami namang magagandang highlights sa katatapos lang na GMA Gala 2024 na ginanap nu'ng Sabado ng gabi, pero umagaw na naman ng eksena ang dating TV host-turned beauty queen-TV star na si Herlene "Hipon Girl" Budol matapos itong tila nahulog sa stage.
Nag-viral ang isang Tiktok video kung saan makikitang habang inirarampa ni Barbie Forteza ang kanyang makinang at pang-prinsesang ball gown, nu'ng mag-bow na siya at magpapaalam na ay bigla siyang napatakbo para tulungang tumayo si Hipon Girl na tila nga nahulog sa stage.
Hindi makikita sa nag-viral na video ang actual footage ng pagkahulog ni Herlene sa stage. Gayunpaman, may mga nagduda na baka gimik na naman ito ni Hipon Girl para pag-usapan sa naturang get-together party ng mga belong sa showbiz world, lalo na ang mga Kapuso stars.
Ang nakakaloka sa mga netizens, imbes maawa kay Hipon Girl na nagkaroon nga ng minor accident, binash pa ito dahil sa design ng kanyang gown na see-through at 'yung private part lang niya ang natatakpan ng mga kumikinang-kinang na ewan. Hahaha!
In fact, may nabasa pa nga kaming comment sa socmed na, "Itong Hipon na ito, pangit na nga gown, nagkakalat pa."
Samantala, marami namang pumuri kay Barbie Forteza sa maagap nitong pagsaklolo kay Hipon Girl. Makikita kasing patakbong lumapit si Barbie para alalayan sa pagtayo si Herlene kahit pa naka-ball gown din naman ang ka-love team ni David Licauco at medyo hirap din sa pagkilos.
May nag-comment naman kay Barbie na "Eto talaga ang a very good girl."
Naku, ha?! Hindi naman siguro patama 'yan kay Kathryn Bernardo na nagmarka sa pelikulang A Very Good Girl?
Para kasing naaamoy namin ang pagkukumpara at pagsasabong ngayon kina Barbie at Kathryn dahil lang sa mga punang tila ginagaya raw ng una ang acting ng huli lalo na sa That Kind of Love na first movie nila ni David Licauco na ipinalabas sa mga sinehan a few weeks ago.
Inakusahang ginaya lang sa lumang pelikula…
MMFF ENTRY NI VICE GANDA, NI-REVIEW NG PRODUCER
DINAGSA rin naman ng ilang mga famous friends sa showbiz at mga big names sa politics ang nakaraang 62nd birthday party ni dating MMDA/MMFF Chairman at ngayon ay DILG Secretary Benhur Abalos na ginanap sa EDSA Shangri-la Hotel last Friday.
Dumating du'n ang ilang Kapuso stars tulad nina Jason Abalos at Will Ashley, businesswomen na sina Ms. Aivee Aguilar at Dra. Vicki Belo with their respective partners, QC Mayor Joy Belmonte, Tutok To Win Rep. Sam Verzosa (minus ang GF na si Rhian Ramos na ewan kung bakit 'di niya kasama sa party), IdeaFirst producer na si Perci Intalan at marami pang iba.
Nakisaya rin si Pangulong Bongbong Marcos kasama ang First Lady na si Mrs. Liza Araneta.
Habang nakaabang kami sa red carpet ay dumaan si Sir Perci Intalan kaya binati namin ito sa pagpasok ng IdeaFirst at Star Cinema collaboration project na And The Breadwinner Is… sa first 5 entries ng 50th Metro Manila Film Festival this year.
Pagkatapos naming i-congratulate si Sir Perci ay hiningi namin ang reaksiyon niya sa pagpalag o pagpetisyon ng Borracho Films producer na si Atty. Ferdinand Topacio na diumano'y ginaya lang ng kanilang pelikula ang dating old film ni Rogelio dela Rosa nu'ng taong 1955 titled Higit sa Lahat.
Kung matatandaan, una na naming naisulat dito ilang araw pa lang ang nakararaan na sa ginanap na MMFF 2024 launch sa Manila City Hall last week ay umagaw ng eksena si Atty. Ferdie dahil ang paniwala niya, ginaya ang bagong movie na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Eugene Domingo sa naturang pelikula nga ni Rogelio dela Rosa.
Sagot ni Sir Perci, curious siya kung nabasa ba ni Atty. Ferdie ang kabuuan ng script
dahil sa MMFF 2024 launch, synopsis pa lang naman ng movie ang binasa at narinig ng Borracho Films producer.
At dahil nga raw sa ni-raise na issue ni Atty. Topacio, tsinek nila ang sinasabi nitong similarity.
"May isang part lang na nagkapareho, but it's not even something na masasabi mong copied because an insurance scam is an insurance scam. The fact na may tawag sa insurance scam means na it pre-exists before somebody put it in a work of fiction, 'di ba? So, 'yun lang naman actually ang pareho," paglilinaw ni Sir Perci.
Well, inusisa rin namin kay Sir Perci kung paano niya nakilala si Sec. Benhur at bakit nandu'n siya sa birthday party nito.
Dito nga niya naikuwento na malaki pala ang naitulong ni Sec. Benhur Abalos para mailapit kay FL Liza ang mga problema sa film industry ng mga movie producers na tulad niya.
Kaya bilang pagbabalik-pasasalamat daw ay nakisaya siya sa 62nd birthday party ni Sec. Benhur Abalos na ang highlight ay ang pagbibigay nito ng commitment sa kanyang tatlong foundation — ang CiaraMarie Foundation (dedicated to building more schools in remote provinces and addressing the needs of children on the autism spectrum), Kwarto ni Neneng (a sanctuary for abused women and children) at Bida (focusing on drug rehabilitation).
Comentários