Nagsusulat gamit ang fountain pen at natapunan ng ink ang kamay
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 24, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Divina ng Bulacan.
Dear Maestra,
Ako ay isang simpleng may bahay, habang ang asawa ko ay simple lang din ang trabaho at siya ay isang guwardiya.
Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko. Napanaginipan ko na ako ay bata pa at nagsusulat ako gamit ang fountain pen at natapon ‘yung ink. Dahil dito, napuno ng ink ‘yung mga daliri at palad ko.
Ano ang ipinahihiwatig nito?
Naghihintay,
Divina
Sa iyo, Divina,
Maganda ang ibig sabihin ng panaginip mo na ikaw ay bata pa. Kung dalaga ka pa o wala pang asawa, ito ay nagpapahiwatig ng magandang kapalaran sa negosyo at masayang pagliligawan na maaaring mauwi sa kasalan.
Subalit ang sabi mo ay may asawa ka na, ang ibig sabihin nito ay pabagu-bagong kalagayan. Hindi pa stable ang iyong pamumuhay. Kumbaga, minsan ay sobra-sobra ang budget mo at minsan naman ay halos wala nang matira sa perang hawak mo.
Samantala, tungkol sa ink na natapon at napuno ng ink ang mga daliri at palad mo, nagpapahiwatig ito na makakatanggap ka ng masamang balita tungkol sa negosyo mo at maging sa personal mong pamumuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments