top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Nagsisisi dahil ‘di naipadama sa mga anak ang pagmamahal nang mag-abroad

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 1, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |December 01, 2021



Dear Sister Isabel,


Pagpalain nawa kayo ng Maykapal at bigyan pa ng mahabang buhay upang lalo pang makatulong sa iyong mga tagasubaybay. Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa aking mga anak dahil sa kabila ng pagtitiis ng katakot-takot na hirap mula nang mamatay ang ama nila, ganito pa ang napala ko matapos magtrabaho sa abroad upang sila ay bigyan ng magandang kinabukasan.


Sa awa ng Diyos, maayos na silang tatlo kahit musmos pa sila nang maulila dahil nalunod ang ama nila. Mula noon, wala akong tigil sa pagpapaalila sa abroad para itaguyod sila.


Iniwan ko sila sa nanay at mga kapatid ko habang namasukan akong domestic helper.


Once a year lang akong umuuwi sa Pilipinas pero bumabalik din ako agad sa abroad.


Wala akong maramdaman na pagmamahal sa kanila at kahit kape ay hindi ako maipagtimpla ‘pag dumarating ako. Sinisisi pa nila ako na iniwan ko sila dahil katakot-takot daw na hirap ang dinanas nila sa mga kapatid ko dahil pinapalo raw sila at dapat daw ay hindi na ko nag-abroad.


Hindi ko alam kung bakit ganu’n, sa halip na gantihan ako ng pagmamahal at respeto, ito pa ang napala ko. Wala talagang pagmamahal sa akin ang mga anak ko dahil parang hindi ako ina kung tratuhin at naiiyak na lang ako kapag nag-iisa. Sabagay, wala kasi kaming bonding noong maliliit pa sila, hindi ko naipadama ang yakap at kalinga ng isang ina. Nagkulang din ako, inaamin ko, kaya ang payo ko sa mga magulang, huwag na kayong mag-abroad. Huwag n’yong iwan ang inyong mga anak.


Magsama kayo rito sa hirap at ginhawa dahil mas mabuting nakikita nila ang paghihirap mo kung paano sila itataguyod. Magsipag lang kayo rito sa Pilipinas, tiyak na makakayanan n’yo nang itaguyod mga anak n’yo sa awa ng Diyos.


Ano ang gagawin ko para mapaamo ko ang aking mga anak at matikman ko man lang kahit kaunting pagmamahal mula sa kanila? Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo.



Nagpapasalamat,


Mercy ng Taguig


Sa iyo, Mercy,


Ganyan ang nangyayari sa mga ina na iniiwan ang kanilang anak para mag-abroad.


Hindi nila lubusang maunawaan kung bakit kayo lumayo, lalo na ang mga kabataan ngayon dahil wala man lang respeto at pagmamahal na ipinapakita sa magulang.


Makabubuting unawain mo sila, gawin mo ang pagpapakita ng iyong damdamin bilang ina. Pasasaan ba’t lalambot din ang puso ng mga ‘yan, lalo pa ngayong sama-sama na kayo.


Ugaliin n‘yong lumabas nang magkakasama. Mag-bonding kayo tuwing Linggo at isama mo rin sila sa simbahan. Kapag nakarinig sila ng salita ng Diyos, maaantig din ang kalooban ng mga ‘yan. Tiis-tiis lang dahil hindi pa huli ang lahat. Natitiyak ko na mararamdaman mo rin ang pagmamahal na hinahanap mo sa pagdaan ng mga araw.


Ipamalas mo sa kanila ang kahulugan ng pagmamahal na hindi mo naipadama sa kanila noon dahil malayo ka. Ito na ang tamang pagkakataon. Lakip nito ang dalangin ko na matikman mo rin sa mga anak mo ang pagmamahal na inaasam-asam mo.


Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page