top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Naglayas dahil inuwi ng erpat ang kabit

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 24, 2023
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | April 24, 2023



Dear Sister Isabel,


Marahil sa mga sandaling binabasa niyo ito ay nasa malayong lugar na ako. Naglayas ako sa amin dahil hindi ko masikmura ang ginagawa ng tatay ko. Dalawa ang asawa niya na parehong nakatira sa amin. Kapag kaharap nila ang tatay, mababait sila pero ‘pag umalis na siya, nagpaparinigan na ang mga ito at minsan ay muntik pang magkapang-abot. Dahil dito, walang katahimikan sa aming tahanan. Hirap na ang kalooban ko, kaya napagpasya akong lumayas.


Nag-iisang anak ako, nag-asawa ulit siya at itinira sa bahay namin ang mga babae niya, walang magawa ang nanay ko dahil mahal na mahal niya ang tatay.


Tama ba ang ginawa kong paglayo sa amin nang ‘di nagpapaalam? Mabuti naman ang lagay ko ngayon dahil malapit na kamag-anak namin ang tinuluyan ko at naiintindihan nila ang sitwasyon ko. Kaya lang, parang ‘di ako mapakali, nagi-guilty ako sa ginawa kong paglalayas sa amin.


Sana ay mapayuhan n’yo ako para mapanatag ang kalooban ko. Hihintayin ko ang payo niyo.


Nagpapasalamat, Gloria ng Malabon City


Sa iyo, Gloria,


Hindi kita masisisi kung lumayas ka sa bahay niyo dahil ‘di mo na makayanan ang sitwasyon.


Gayunman, nand’yan na ‘yan, nagawa mo na, kaya panindigan mo na. Kaya lang, dapat ay ipaalam mo sa iyong mga magulang ang kinaroroonan mo para hindi sila mag-alala.


Sa ganu’ng paraan, makapag-isip sila kung paano maitama ang mali at nawa’y makapagdesisyon sila ng nararapat na walang nasasaktan. Nawa’y maliwanagan ang tatay mo, magkaroon ng matinong pag-iisip na hindi niya dapat pagsamahin ang dalawang asawa niya sa iisang bubong.


Hindi masama ang magmahal, pero dapat ay ilagay sa ayos at dapat ay isaalang-alang din ang katayuan ng kanilang anak nang hindi humantong sa ganitong sitwasyon. Lakip nito ang dalangin ko na maisaayos ang lahat, maging masaya, payapa at panatag ang bawat isa.



Sumasaiyo,

Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page