Naghuhukay sa bahay, pahiwatig na dapat alamin ang hidden treasure ng sarili
- BULGAR

- Jul 26, 2020
- 1 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 26, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Misha-mish na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naghuhukay ako sa bahay namin. May kayamanan daw du’n sabi ng isang matandang biglang pumasok sa aming bahay.
Hinukay ko ‘yung mismong puwesto na itinuro niya. Malalim na ang nahukay ko at may tumunog na matigas na bagay na tinamaan ng panghukay ko, kaso nagising na ako. Ano kaya ‘yun?
Naghihintay,
Misha-mish
Sa iyo Misha-mish,
Lahat ng tao, siyempre, ikaw at ganundin ako ay nagtataglay ng malalim na kamalayan. Kaya lang, ang salitang kamalayan, mas malalim pa yata ang kahulugan, kaya baka mas hindi mo naintindihan.
Pero may isa pang malalim sa tao at ito ay ang kanyang personalidad. Kumbaga, malalim ang pagkatao ng lahat ng tao. Ang kalalimang ito ng pagkatao ay tunay na dahilan kung bakit may pagkakataon na hindi tayo maunawaan ng mga nasa paligid natin.
At ang anumang malalim, ‘di ba dapat lang na hukayin? Kasi kung mababaw, bakit pa huhukayin?
Sabi ng iyong panaginip, ang anumang malalim sa iyo ay hukayin mo at may matutuklasan kang kayamanan sa buhay mo. Ito ang natatagong galing, husay, talino at kagandahan ng iyong sarili.
Paano ba hinuhukay ang malalim sa isang tao?
Sundin mo ang payo na nakasulat sa Sagradong Aklat na sa lihim, kausapin mo ang iyong sarili. Sa pananahimik, suriin mo ang iyong sarili. Sa mga sandali na wala kang kasama, mag-isip ka ng malalim.
Sa ganitong paraan, may matutuklasan ka sa iyong sarili na tulad ng nasabi, may tagong galing, husay, talino at kagandahan ka—ito ang iyong hidden treasure.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments