Naghirap dahil nadamay sa sunog, magkakaroon ng maraming pera
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 11, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jerome ng Lipa City.
Dear Maestra,
Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na marami akong biniling pocket books. Mas inuna ko pang bumili ng mga ito kaysa sa pagkain. At dahil mahal ang pocket books, tinipid ko ang aking sarili sa pagkain na gusto kong kainin para magkasya ang budget ko. Tapos narinig ko ang kapitbahay namin na sumisigaw ng “Sunog!” Nadamay ang bahay ko sa sunog, kaya nawalan ako ng tirahan at naging mahirap ang aking buhay.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jerome
Sa iyo, Jerome,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na bumili ka ng maraming pocket books ay kaligayahan sa pag-aasawa. Ikakasal ka na sa napili mong mahalin habambuhay, kung saan sasagana ang inyong buhay at pagpapalain kayo ng tadhana.
Samantala, ‘yung nadamay ang bahay mo sa sunog na nagmula sa kapitbahay mo, ito ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng hindi pagsang-ayon sa iyong mga binabalak dahil sa iyong mga kapitbahay, subalit madali mo naman itong maiiwasan at kalaunan ay makukuha mo rin ang simpatya nila.
Ang sabi mo ay naghirap ka, naging mahirap ang buhay mo matapos masunog ang bahay mo. Kabaligtaran naman ang ibig sabihin nito dahil ito ay nagsasabing makakatanggap ka ng pera. May magbibigay sa iyo ng malaking halaga nang hindi mo inaasahan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments