Nagbebenta ng overpriced face shield, mahiya naman kayo!
- BULGAR

- Aug 18, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | August 18, 2020
Kasama na rin ang face shield sa pangunahing sandata vs. COVID-19 ‘pag lalabas ng bahay. Gamit ito bilang dagdag-proteksiyon, partikular sa mga mata. At kailan lang, umarangkada ang kautusang magsuot nito sa pampublikong transportasyon ang mga mananakay. Required na ring gamitin ito sa ilang pamilihan, kaya naman, kamakailan ay maraming namakyaw nito. May ilang gusto lang talagang magtabi para tiyak na may magamit, pero may ilang namakyaw dahil gustong ibenta nang mas mahal.
At siyempre, mayroon ding nagbebenta nang mas mahal sa itinakdang suggested retail price (SRP) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Dahil dito, nag-ikot ang tauhan ng DTI para magsagawa ng monitoring hinggil sa presyo ng face shield. Nabuking na may ilang tindahang nagbebenta ng lagpas sa itinakdang SRP na P25 hanggang P50.
Naisyuhan ng warning ang ilang establisimyento na nagbebenta ng overpriced face shields at ayon sa DTI, kung muling lalabag, maaaring pagmultahin ng P5,000 hanggang P2 milyon ang mga ito.
Matatandaang, unang nanawagan ang publiko na mahigpit na bantayan ang presyo ng face shield kasunod ng mga ulat ng hoarding at overpricing.
Sana’y magsilbing babala ito sa mga nananamantala na seryoso tayo sa isyung ito. Maawa naman kayo sa mga kababayan nating gipit pero nagsisikap makabili ng panangga sa virus.
Sa mga naisyuhan ng warning, ‘wag na kayong umulit. Baka sa halip na kumita kayo, sa multa ang bagsak ninyo.
At kayong mga patuloy na kumakapit sa overpricing, may kalalagyan din kayo. Paulit-ulit na ang babala sa inyo kaya ‘pag nagkabukingan, pasensiyahan na lang.
Pakiusap sa mga kinauukulan, ituluyan ang mga pasaway at abusadong ito. Marami na ngang hirap na kababayan, nakukuha pang manlamang ng ilan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com6





Comments