Nag-ani ng palay, pahiwatig ng kasaganaan at tagumpay
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 3, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dominic ng Cubao.
Dear Maestra,
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan as of this day and more days to come. Gaya ng iba n’yong tagasubaybay, gusto ko ring magpaanalisa ng panaginip ko. Napanaginipan ko na sumama ako sa bukid namin para umani ng mga tanim naming palay. Andami naming inani at sa tuwa ko ay niyaya ko ang aking mga kaibigan na kumain sa sikat na restoran kung saan nag-order ako ng masasarap na pagkain at nag-inuman kami ng mamahaling alak.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dominic
Sa iyo, Dominic,
Isa sa pinakamagandang panaginip ay tulad ng panaginip mo na kasama ka sa umani ng tanim n’yong palay at marami kayong inani dahil ito ay nangangahulugan ng kasaganaan at tagumpay sa buhay, lalo na sa pananalapi. Yayaman ka na at makakamit mo ang lahat ng iyong mga pangarap. Susuwertehin ka rin sa pag-ibig dahil magiging maligaya kayo ng karelasyon mo. Samantala, ‘yung niyaya mo ang mga kaibigan mo na kumain ng masasarap na pagkain sa restoran ay nagpapahiwatig na mahaharap ka sa isang iskandalo dahil sa mga kaibigan mo. Ang mamahaling drinks naman na in-order mo at nag-inuman kayo, ito ay nangangahulugan na may magtatangkang paibigin ka, pero kalungkutan lang ang kahahantungan nito. Masasaktan ka lang kung papatulan mo siya. Dahil dito, umiwas ka sa mapaglarong pag-ibig upang hindi ka masaktan. Makuntento ka na sa karelasyon mo ngayon at huwag nang maghangad ng iba.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments