Nag-a-abroad na Pinoy nurse, dumarami
@Editorial | October 2, 2022
Kulang ng 106, 000 na nurse ang Pilipinas.
Ito ang pahayag ng Department of Health sa ulat kaugnay sa biglang pagdami ng nurse na nakikipagsapalaran sa abroad dahil sa alok na mas malaking suweldo.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pribado man at pampublikong ospital ay kinakapos sa mga nurse ngayon.
Dagdag pa nito, nais niyang manatili sa 7,000 ang annual deployment cap sa mga bagong hire na medical professionals para sa ibang bansa.
Bukod sa mga nurse, kapos din ang Pilipinas sa mga doktor, midwives, dentists, physical therapists, pharmacists at medical technologies.
Hindi bago sa atin ang maliit na kita ng mga health workers sa kabila ng buwis-buhay nilang trabaho. Sino nga ba ang magtitiis, kung sa ibang bansa ang dalawa hanggang tatlong araw na sahod ay katumbas na ng isang buwan sa Pilipinas. Malaking bagay ang pagiging health worker, kaya sana ay mabigyan sila ng makatarungang kompensasyon na tatapat sa kanilang sakripisyo.



Comments