top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Nabuntis ng kapwa OFW na may asawa at ‘di na masustentuhan

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 13, 2021
3 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 13, 2021



Dear Sister Isabel,

Ako ay dating OFW at nagtrabaho bilang bartender sa cruise ship. Maganda at okay ang suweldo at may tip pa sa mga customer. Nag-umpisa ang problema nang mapansin ko na may kakaibang tingin sa akin ang kasamahan ko na bagama’t alam niyang hindi ko siya type ay patuloy siyang nagpaparamdam sa pamamagitan ng malagkit na tingin. Hindi ko siya pinapansin hanggang sa dumating sa sukdulan ang lahat. Pinasok niya ako sa aking accommodation at hindi ko nagawang ipagtanggol ang sarili ko dahil dinaan niya ako sa dahas.

Sinamantala niya ako at wala akong nagawa sa lakas niya kaya nagtagumpay siya sa masama niyang balak. Hindi ko siya maisumbong sa boss namin dahil tiyak na matatanggal ako sa trabaho at pauuwiin sa Pilipinas. Nanahimik na lang ako at nagpalipat ng barko para maiwasan siya. Sa awa ng Diyos, nakalipat naman ako at pinilit kong limutin ang nangyari sa akin. Nilibang ko ang aking sarili sa ibang bagay na makapagpapasaya sa akin. Okay na sana ako at unti-unti na akong nakaka-move on hanggang dumating ang mga araw na hindi na ako dinatnan ng aking buwanang dalaw at ‘yun pala, buntis na ako.

Hindi ko malaman ang gagawin hanggang may nagpayo sa akin na ipaalam ang kalagayan ko sa lalaking nanamantala sa akin upang panagutan ang ginawa niya. Kahit labag sa kalooban ko, kinontak ko siya, hindi naman siya umiwas at nangakong pananagutan ang dinadala ko.

Napagkasunduan naming mag-resign na lang ako at umuwi para rito isilang ang bata. Umuwi ako sa aking mga magulang at sinabing uuwi sa susunod na buwan ang ama ng magiging anak ko. Kampante naman kami hanggang dumating ang nasabing buwan pero hindi siya dumating hanggang isinilang ko na ang bata.

Hindi na namin siya makontak at gustuhin mang magalit ng mga magulang ko ay hindi na nila nagawa nang makita ang kanilang apo. Lumipat din kami ng tirahan upang makaiwas sa tsismis. Hanggang isang araw, tumawag ang ama ng aking anak at sinabing may asawa na pala siya sa Pilipinas, kaya hindi niya puwedeng panagutan ang bata pero nangako siyang magsusustento.

Buti na lang, maunawain ang mga magulang ko at patuloy nila kaming sinusuportahan.

Bagama’t nagpapadala ng pinansiyal na suporta ang nakabuntis sa akin, bigla itong natigil at wala na kaming kontak. Nahihiya naman ako sa parents ko na iasa na lang sa kanila ang lahat.

Ano ang dapat kong gawin, puwede bang ireklamo ko siya sa pinapasukan niya para maobliga siyang sustentuhan kaming mag-ina? Gayundin, para magising siya sa katotohanan na hindi tama na basta na lang niya kami kalimutang mag-ina, lalo na’t alam niyang anak niya ang isinilang ko.

Gusto ko ring ipaalam sa tunay niyang asawa ang nangyari sa amin at sabihin na may anak siya sa akin, tama ba ang binabalak ko? Hihintayin ko ang payo ninyo.


Nagpapasalamat,

Glenda ng Cebu


Sa iyo, Glenda,

Salamat sa pagtitiwala mo na isangguni sa akin ang problema mo. Hinahangaan kita sa katatagan ng iyong kalooban dahil nakayanan mo ang napakasakit na nangyari sa iyo at hanggang ngayon ay patuloy ka pa ring nakikibaka sa pagsubok na dumating sa buhay mo.


Tatagan mo pa ang iyong kalooban, tumawag ka sa Dakilang Kataas-taasan dahil Siya ang tutulong sa iyo upang gumaan ang mga balakid mo sa buhay. Magpasalamat ka rin sa Diyos dahil may mga magulang ka na sa halip na magalit sa iyo at ipagtabuyan ka, inunawa ka nila at patuloy na sinusuportahan. Huwag mo nang ituloy ang balak mo na ipaalam sa employer niya ang lahat dahil hindi makabubuti ito. Sa halip, lalong magiging masalimuot ang mga pangyayari. Maaari ring i-terminate siya at tuluyang mawalan ng trabaho at lalo ka lamang hindi masusuportahan sa inyong pinansiyal na pangangailangan ng anak ninyo. Huwag na huwag mo na ring balakin na ipaalam pa sa tunay niyang asawa ang nangyari sa inyo. Lalong magkakagulo at madaragdagan pa ang kalbaryo mo sa buhay dahil tiyak na hindi ka patatahimikin ng tunay niyang asawa.


Ang pinakamabuti mong gawin ay unawain ang lalaking ‘yun. May pinagdadaanan siguro siyang matinding problema, lalo na ngayong may pandemya kaya natigil ang pagpapadala ng suporta. Palagi mong ipagdasal ang ama ng iyong anak na iligtas siya sa kapahamakan, liwanagin ang kanyang isipan, makayanan ang responsibilidad sa iyo at sa tunay niyang asawa. Makikita mo na isang araw ay lutas na ang problema mo at muli kang makakatanggap ng sustento mula sa kanya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page