Nabuntis ng kapitbahay na may sabit din habang wala ang asawang seaman
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 29, 2021
Dear Sister Isabel,
Hindi ko na kayang dalhin ang problema ko. Nakatira ako sa isang subdivision kung saan ang lapit ng distansiya ng mga bahay at halos dikit na ang bintana sa katabing bahay. Pati kalabog ng pinto at usapan nila ay dinig na dinig din. Minsan, naisip kong dumungaw sa bintana at nagkataon na dumungaw din ‘yung kapitbahay ko. Pogi siya, macho at mukhang mabait pero may asawa na siya. Nagkatinginan kami at parang may spark agad sa tinginan namin, hanggang naramdaman namin na in love kami sa isa’t isa.
Nagsend siya ng friend request, in-accept ko naman at nag-chat kami privately sa isang messaging app at nag-date kami at kapwa kami nakalimot. Walang kaalam-alam ang misis niya sa namamagitan sa amin, habang sa panig ko ay ganundin, walang alam ang husband ko dahil seaman siya at bihira lang umuwi para magbakasyon.
Ang problema ko, sa minsang pagde-date namin ay nabuntis ako. Hindi ko alam ang gagawin ko, pero sabi niya ay ipa-abort ko para hindi malaman ng aming mga asawa.
Magulo ang isip ko ngayon habang magta-tatlong buwan na ang tiyan ko. Ano ang marapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Imelda ng Sta. Rosa Laguna
Sa iyo, Imelda,
Ang tao ay sadyang marupok, madaling mawala sa sarili at makalimot at ganyan ang nangyari sa iyo. Napakabigat ng napasukan mo. Gayunman, para maiwasan ang malaking eskandalo at kahihiyan na baka magbunga pa ng patayan sa magkabilang panig, hindi malayong mangyari ‘yan sa tindi ng galit na mararamdaman ng mga asawa ninyo, malamang na ganyan ang mangyari. Dahil d’yan, ipinapayo ko na lumayo ka muna sa lugar na ‘yan. Magkunwari ka na mag-a-abroad at sa pupuntahan mo, roon ka manganak. Magsisi ka nang taimtim sa ginawa mong pagtataksil sa asawa mo at huwag mo na itong gawin pa.
Naniniwala ako na sa tulong ng Diyos, malalagpasan mo ang iyong problema. Humingi ka ng tawad sa Diyos at palaging manalangin na gabayan ka sa problemamg napasukan mo. Nand’yan na ‘yan at hindi puwedeng takasan. Ang mahalaga, hindi mo inilaglag ang bata sa sinapupunan mo, kumbaga, hindi mo dinagdagan ang pagkakamali mo sa buhay na maituturing na kasalanang mortal.
Alalahanin mo, ang batang isisilang mo ay anak ng Diyos, ginamit lang ang iyong sinapupunan para mabuo ito. Ginamit kayo ng kapitbahay mo upang magsanib ang dugo ninyo sa batang ‘yan, na sa aking palagay ay may malaking gagampanan sa mundo. Malay mo, nakatakda pala siyang maging pari, leader spiritual o iba pang gampanin para sa ikabubuti ng sangkatauhan kaya tama lamang na hindi mo siya ipalaglag.
Unawain mong mabuti ang sinabi ko dahil sa palagay ko rin, mauunawaan ka ng pamilya mo sa iyong nagawa at siguradong aalalayan ka nila para malagpasan mo ang matinding pagsubok na ‘yan sa buhay mo.
Sa simula, maaaring hindi ka nila suportahan, subalit pagdaan ng mga araw, ‘ika nga, blood is thicker than water, kaya patatawarin at kakalingain ka nila. Pansamantala, ilihim mo na lang muna sa asawa mo ang lahat at sa takdang panahon, magiging maayos din ang mga pangyayari.
Gayundin, ang marapat na gawin ng kapitbahay mong nakabuntis sa iyo ay ilihim muna ang lahat hanggang sa dumating ang tamang pagkakataon na tadhana na lamang ang gagawa ng paraan para maunawaan ng bawat isa na sa buhay na ito, may mga bagay na hindi natin kontrolado. Ang nakatakda ay nakatakda na at tanging Diyos ang nakakaalam. Maging matatag na lang tayo at tanggapin ang anumang itinakda ng kapalaran.
Sumasaiyo,
Sister Isabel Del Mundo




Comments