Nabuntis ng kapitbahay habang nasa abroad ang mister na seaman
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | March 20, 2023
Dear Sister Isabel,
Akala ko ay mananatili akong tagasubaybay ng column n’yo dahil ayos naman ang buhay ko, pero hindi ko sukat akalain magkakaproblema ako.
Halos apat na taon nang hindi umuuwi ang asawa ko dahil seaman siya. Extend siya nang extend ng kontrata dahil ang katwiran niya, matanda na siya at baka ‘pag umuwi siya ng Pilipinas ay mahirapan siyang makabalik sa barko dahil sa edad niyang 46.
Ang problema ko, nagkaroon kami ng lihim na relasyon ng kapitbahay ko at nabuntis niya ako.
Dalawang buwan na akong delay, at may asawa ang nakabuntis sa akin, kaya ang sabi niya, ipalaglag ko ang bata. Hindi ko naman maatim na ipa-abort ang bata sa sinapupunan ko dahil alam kong kasalanang mortal ‘yun.
Ano ang dapat kong gawin? Sana, mapayuhan n’yo ako ng nararapat kong gawin dahil hirap na hirap na ang kalooban ko.
Nagpapasalamat,
Desserie ng Naic, Cavite
Sa iyo, Desserie,
Tunay ngang mabigat ang problema n’yo ng kapitbahay mong nakabuntis sa iyo na may asawa rin. Kung itutuloy mo ang pagbubuntis, malaking kahihiyan at gulo ang sasapitin mo, gayundin ang pamilya ng kapitbahay mong nakabuntis sa iyo.
Gayunman, hindi kita masisisi dahil tao ka lang. Ikaw ay iniwan ng asawa dahil sa pag-a-abroad at ayaw namang umuwi para makapiling ka. Tutal, sabi mo ay 2 months delay ka pa lang naman, hindi pa masasabing bata nga ang nasa sinapupunan mo, kaya para sa ikabubuti ng pamilya mo at ikakatahimik nang pamilya ng kapitbahay mong nakabuntis sa iyo, huwag mo nang ituloy ang pagbubuntis.
Humingi ka ng tawad sa Diyos sa gagawin mo, kasalanan man itong maituturing, ngunit kung magbubunga naman ng kalutusan sa problema mo at siyang pinakamagandang gawin para walang gulo, mauunawaan ka ng Diyos sa gagawin mo.
Ang Diyos ay mapagpatawad, kahit paulit-ulit tayong magkasala, handa pa rin Siyang magpatawad, gaanuman kabigat ang ating kasalanan, pero mangako ka na hindi na mauulit ang iyong pagkakamali.
Sikapin mong harapin ang estado ng iyong buhay na malinis at walang bahid ng dungis ang iyong pagkatao.
Sa palagay ko ay nagkulang ka sa pananalig sa Diyos, kaya ipinapayo ko na ugaliin mong magdasal. ‘Yan ang pinakamabisang panlaban sa tukso at lahat ng mga pasanin sa buhay.
Hanggang dito na lang, nawa'y magkaroon na ng kapayapaan ang iyong isipan sa sandaling mabasa mo ang payo ko.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments