Na-postpone na pag-a-abroad, matutuloy next yr. kung ‘di titigil magsikap

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| December 1, 2020

KATANUNGAN
Tapos ako ng nursing, kaso ang prolema, halos kalahating taon na akong naghihintay sa inaasahan kong pag-a-abroad sa Middle East, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakaalis.
Gayunman, matutuloy na sana ako ngayong 2020, kaso nagkaroon ng COVID-19 pandemic, kaya na-postpone na naman ang pag-a-abroad ko. At sabi ng employer ko, sa 2021 na lang ako umalis kapag medyo okey na ang sitwasyon.
Gusto kong ipabasa ang guhit ng aking palad, birthday at pirma ko kung may chance pa bang makaalis ako at kung meron man, kailan ito mangyayari?
KASAGUTAN
Upang makapag-abroad at magtuluy-tuloy na ang iyong suwerte, hindi lang sa career kundi sa lahat ng aspeto ng buhay mo, dapat ay lakihan mo ang iyong lagda, higit lalo ang lower loop o bilog na bahagi ng letrang “y”. Sa ganyang paraan, kapag nalakihan mo na ang pagkakasulat ng iyong lagda at nalagyan mo ng bilog at magandang buntot ang letrang “y”, tiyak na kasunod ng pagbabagong ito ng iyong lagda, tuluy-tuloy nang matutupad ang lahat ng iyong mga pangarap sa buhay.
Dagdag pa rito, pansining bukod sa birth date mong 3, ikaw din ay nagtataglay ng destiny number na 8 (4+3+1990=1997/ 19+97=116/ 11+6=17/ 1+7=8). Ibig sabihin, tunay na tunay ngang bago ka tuluyang magtagumpay at maging maligaya, nakatakda munang dumanas ka ng mga pagtitiis, paghihintay at pagsubok. At sa sandaling napagtiisan mo ‘yan at nanatili kang matatag, doon pa lamang matatapos ang mga pagsubok. Sa panahong ‘yun, tuluy-tuloy ka nang mananaig at magtatagumpay, anuman ang pangarapin at hangarin mo sa iyong buhay.
Samantala, kapansin-pansing parang may maliit na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, at dahil hindi masyadong malawak at malinaw, ang gagawing pangingibang-bansa ay dapat mong paghirapan. Ibig sabihin, asahan mo nang hindi magiging madali sa iyo ang pag-a-abroad, pero kung magsisikap ka, tulad ng isang taong naiimpluwensiyahan ng numerong otso (8) na siya ngang destiny number mo, na maaaring ito ang namamayani sa buhay mo ngayon, basta lumaban ka nang lumaban, magpatuloy nang magpatuloy, hindi umayaw at sumusuko, sa bandang huli, ibibigay din ng langit ang iyong ambisyon – makapag-a-abroad ka, uunlad at matutupad mong lahat ang iyong mga pangarap sa buhay.
DAPAT GAWIN
Annalyn, ayon sa iyong mga datos, kung susundin mo ang lahat ng suhestiyon na binanggit sa itaas, nagsikap ka at nagpakahirap, mag-apply ulit nang mag-apply at kinulit mo ang kapalaran, siguradong darating ang panahong makapag-a-abroad ka at ito ay nakatakdang mangyari at magaganap sa 2021, sa edad mong 31 pataas.




Comments