Muntik mag-suicide dahil suko na sa dami ng problema
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | March 22 2023
Dear Sister Isabel,
Bakit ganito ang buhay ko? Hindi na ako nawawalan ng problema, kakatapos lang ng isang, tapos may kasunod na naman. Patong-patong na ang problema ko sa kasalukuyan at hindi ko na kaya.
Mahabang salaysayin ang mga pinagdaanan ko, kaya hindi ko na iisa-isahin pa sa inyo. Sa totoo lang, gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Mabuti pa sa kabilang buhay, walang gutom, uhaw, at hirap na mararamdaman, gayundin, may mga anghel na nag-aawitan, inaaliw ang mga naroon at kapiling ang Diyos na makapangyarihan.
Sister Isabel, muntik na akong magpatiwakal, pero bigla ko kayong naalala, kaya dali-dali akong sumangguni sa inyo. Nawa’y pahupain n’yo ang loob ko sa payo na galing sa inyo.
Nagpapasalamat,
Imelda ng Bataan
Sa iyo, Imelda,
Lahat ng taong nabubuhay sa mundo ay may mga dinaranas na problema sa buhay.
Subalit, ang lahat ng mga problemang ito ay laging may solusyon. Walang permanente sa mundo, ang lahat ay dadaan at lilipas din, kaya hindi solusyon ang pagpapakamatay dahil physical body mo lang ang nawala, pero buhay na buhay pa rin ang isip o kaluluwa mo, naiba lang ng kinalalagyan— wala sa lupa kundi nasa langit o impiyerno, depende kung mabait ka.
Habang nasa mundo ka pa, mabuting huwag mong ituloy ang pagpapakamatay. Sa palagay ko ay kulang ka sa dasal, hindi ka siguro nagdarasal sa gabi bago matulog o magsimba tuwing Linggo.
Maging madasalin ka sa lahat ng sandali at sigurado na ang buhay mo ay gagaan at ang mga biyaya sa iyo ay sobra-sobra pa.
‘Ika nga, prayer is the key. Ang taong madasalin ay pinagpapala, walang mabibigat na pasanin sa buhay at nililigtas sa anumang uri ng kapahamakan, kaya kumapit ka lang sa Diyos. Tumawag ka sa Kanya nang buong pananalig at pananampalataya, at tiyak na diringgin ka Niya. God listens, God hears, God cares.
Maging madasalin at manalig ka sa Diyos nang walang pag-aalinlangan, idulog mo sa Kanya ang mga problema mo, tiyak na ang lahat ng suliranin ay isa-isang malulutas at masosolusyunan. Pagsisihan mo na ang mga nagawa mong kasalanan noon at mangakong hindi na ito mauulit. Nawa’y nalinawan ang iyong isip sa mga ipinayo ko. Sumaiyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister, Isabel del Mundo




Comments