top of page
Search
BULGAR

Mpox, ‘wag balewalain, dapat agapan

by Info @Editorial | August 21, 2024



Editorial

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang bagong kaso ng monkeypox o mpox sa Pilipinas.


Isang 33-anyos umano na lalaki ang nagpositibo sa mpox. Napag-alaman din na walang travel history ang lalaki sa labas ng bansa, ngunit mayroon itong intimate contact tatlong linggo bago lumabas ang sintomas.


Kabilang sa mga nakitang sintomas ay ang rashes sa mukha, likod, batok, trunk, groin, pati na sa kamay at ilalim ng paa.


Ito na umano ang ika-10 kaso ng mpox na naitala sa bansa.


Sa ngayon ay naka-isolate na sa ospital ang lalaki at nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga nagkaroon ng close contact sa pasyente.


Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sintomas ng mpox ay kinabibilangan ng skin rash o mucosal lesions, na sinamahan ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at pamamaga ng mga lymph node.


Ang kaalaman at impormasyon tungkol sa mpox ay mahalaga upang maiwasan ang panic at maling impormasyon na maaaring magpalala ng sitwasyon.


Ang mpox, bagama’t mas mababa ang fatality rate kumpara sa COVID-19, ay hindi dapat balewalain.


Kailangang maging bukas tayo sa mga bagong impormasyon at maging maagap sa pagtugon sa mga sintomas.


Ang bawat isa ay may papel na ginagampanan sa pag-iwas sa pagkalat ng mpox. Ang pagsunod sa mga health protocols, tulad ng proper hygiene, ay dapat na isama sa ating pang-araw-araw na buhay.


Nasa ating mga kamay ang ating kaligtasan. Magkaisa tayo para protektahan ang ating sarili, mahal sa buhay, at ang ating bansa.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page