top of page
Search
BULGAR

Motornapper, dedbol sa bus

News @Balitang Probinsiya | August 28, 2024



BUKIDNON -- Isang motornapper ang namatay nang bumangga sa isang pampasaherong bus ang ninakaw nitong motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Patpat, Malaybalay City sa lalawigang ito.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na nasa hustong gulang.


Ayon sa ulat, tinangay ng suspek ang motorsiklo ng isang lending collector at dahil dito ay ini-report ng biktima sa pulisya ang pagnanakaw ng kanyang sasakyan.


Agad tinugis ng mga otoridad ang suspek hanggang bumangga ito sa isang pampasaherong bus na minamaneho ng hindi pinangalanang driver.


Nabatid na nagtamo ng malaking sugat sa ulo ang suspek dulot ng aksidente na agad nitong ikinamatay.


 

BANGKERO, TEPOK SA KIDLAT


PANGASINAN -- Isang bangkero ang namatay nang tamaan ng kidlat kamakalawa sa karagatang sakop ng Alaminos City sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng biktima na nasa hustong gulang at residente sa nasabing lungsod. 


Ayon sa ulat, habang lulan ng bangka ang biktima, kasama ang isang kaibigan para sumundo ng mga turista sa Quezon Island, ay biglang bumuhos ang ulan at kasunod ang pagkidlat na tumama sa bangkero. 


Dahil sa lakas ng boltahe ng kidlat ay nagtamo ng 3rd degree burns sa katawan ang biktima.


Agad dinala ng kaibigan niya ang biktima sa pagamutan, pero idineklara itong dead-on-arrival.


 

4 TULAK, ARESTADO SA DRUG DEN


ZAMBOANGA CITY -- Apat na drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa isang drug den sa Brgy. Talon-Talon sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Henry Soriano, Rose Hilacio, Alvin Haili at Totoh Jama, pawang nasa hustong gulang at mga nakatira sa naturang barangay. 


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na ginagawang drug den ang isang bahay sa naturang barangay kaya agad itong sinalakay at dito nadakip ang mga drug pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng mga pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.


 

KOMUNISTA, TODAS SA ENGKUWENTRO


ANTIQUE -- Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga komunista kamakalawa sa Brgy. Culyat, Valderrama sa lalawigang ito.


Kinilala ang napatay na si alyas “Ka Robron,” miyembro ng NPA na nakabase sa lalawigan.


Ayon sa ulat, sinalakay ng tropa ng pamahalaan ang kuta ng mga rebelde sa naturang barangay at dito naganap ang engkuwentro.


Sa palitan ng putok ng baril ay napatay si “Ka Robron” kaya tumakas ang iba pang NPA.

Patuloy pa rin ang pagtugis ng mga otoridad sa mga tumakas na NPA sa nabanggit na barangay.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page