Mitchell, Kuzma, Jokic at Butler, nanalasa

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 14, 2021

Mataas na kalidad pa rin ang dala ng numero unong Utah Jazz sa kanilang pagbalik sa aksyon sa NBA at agad iniligpit ang bisitang Houston Rockets, 114-99, kahapon sa Vivint Arena. Umabot ng 23 ang lamang ng Jazz sa third quarter, 86-63, matapos ang tres ni All-Star Donovan Mitchell at umakyat sila sa kartadang, 28-9.
Nagtapos si Mitchell na may 28 puntos at malaki ang tulong ng dalawa pang All-Star na sina Mike Conley na may 20 at Rudy Gobert na may 14. Pumukol ng tatlong tres si Jordan Clarkson para sa 15 puntos sa 21 minuto.
Samantala, binura ng defending champion Los Angeles Lakers ang 12 puntos na lamang ng Indiana Pacers sa huling 10 minuto upang magwagi, 105-100. Bumida sa paghabol si Kyle Kuzma na may 24 puntos at 13 rebound habang may 18 puntos at 10 assist si LeBron James.
Madaling nanaig ang numero uno sa Eastern Conference Philadelphia 76ers sa Washington Wizards, 127-101, subalit may malaking kapalit at napilay sa tuhod si Joel Embiid sa third quarter at hindi na bumalik. Kahit maagang nawala, nanguna pa rin si Embiid sa kanyang 23 puntos sa 20 minuto.
Depensa sa huling tatlong segundo ang sandigan ng Denver Nuggets sa kanilang 103-102 lusot sa Memphis Grizzlies. Nagtapos na may 28 puntos si Nikola Jokic kasama ang huling rebound sa mintis ni Ja Morant na nagsigurado ng kanilang ika-22 panalo.
Humugot ang Miami Heat ng 28 puntos kay Jimmy Butler at 25 kay Goran Dragic upang pigilin ang Chicago Bulls, 101-90. Sa ibang mga laro, nanambak ang New Orleans Pelicans sa Cleveland Cavaliers, 116-82. Matindi muli ang tambalan nina Brandon Ingram na may 28 puntos at All-Star Zion Williamson na nag-ambag ng 23.
Tambakan din ang tagumpay ng San Antonio Spurs sa Orlando Magic, 104-77. Balanse ang atake ng Spurs si pangunguna ni Rudy Gay na may 19 puntos.
Samantala, ipapadala ng Oklahoma City Thunder si 2019 Slam Dunk champion Hamidou Diallo sa Detroit Pistons kapalit ni Ukrainian forward Svi Mykhailiuk at isang 2017 second round draft pick. Asahan na lalong iinit ang usapan ng mga koponan palapit ng Marso 25, ang huling araw na maaaring magpalitan ng manlalaro.





Comments