top of page

Mister nasa abroad kay kerida nagsusustento, ‘di sa tunay na asawa’t anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 15, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | May 15, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay ang asawa kong sumakabilang bahay. Ang kabit niya ay ‘yung dati niyang classmate at nagsasama na sila ngayon. Bagama’t kasal kami at may dalawang anak, natigil ang pagsusustento niya. Wala akong hanapbuhay dahil may iniinda akong sakit sa katawan.


Samantala, nag-aaral pa ang mga anak namin at halos wala na akong maipabaon sa kanila. Mabuti na lang, tinutulungan ako ng mga kapatid ko.


Ano ang dapat kong gawin upang sagutin niya ang pag-aaral ng mga anak namin?


Ayaw ko ng away kaya kahit puwede ko silang kasuhan ay hindi ko ginawa.


Nabalitaan ko na nakaalis na siya at nagtatrabaho na sa abroad, kaya kung gugustuhin niya ay puwede niya kaming sustentuhan kahit may iba na siyang kinakasama.


Sana ay mapayuhan niyo ako. Umaasa ako sa inyong tugon sa lalong madaling panahon.


Nagpapasalamat,

Bernadette ng Pampanga


Sa iyo, Bernadette,


Pangkaraniwan na sa panahon ngayon ang problemang idinulog mo sa akin.


Gayunman, puwede mong isumbong ang asawa mo sa Department of Labor and Employment o Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sila mismo ang makikipag-usap sa asawa mo na nasa abroad. Puwede nilang kausapin ang agency ng asawa mo at sabihin na sa iyo i-remit ang suweldo at hindi sa kabit niya. Magpakita ka lamang ng dokumento na magpapatunay na ikaw ang tunay na asawa. Gayundin, dalhin mo ang marriage contact upang maobliga ang asawa mo na sustentuhan kayong mag-iina dahil kung hindi, mawawalan siya ng trabaho sa abroad at makakasuhan pa siya ng pakikiapid.


Kung ayaw kang pansinin ng POEA o iba pang ahensya ng pamahalaan o napakabagal umaksyon, lumapit ka kay Sen. Raffy Tulfo, marami na itong natulungan gaya ng iyong problema, mabilis siyang umaksyon, at agad na aaksyunan ang mga problemang idinudulog sa kanya. Gawin mo na agad ang payo ko upang gumaan ang problemang dinadala mo.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page