Search
  • BULGAR

Tinawag ding unggoy... NAG-BLIND ITEM NA SEX MANIAC SI KC, TODO-SORI KAY SHARON

ni Nitz Miralles - @Bida | June 23, 2020




Ipinost ni Sharon Cuneta sa Facebook at Instagram ang apology ni Ronald Carballo sa blind item nito tungkol sa kanya at kay KC Concepcion na tinawag silang nagbibilang ng lalaki at sex maniac diumano ang panganay niyang anak, at maging sina Sen. Kiko Pangilinan at Frankie Pangilinan ay tinawag na unggoy.

Ang laman ng apology letter…

“Patawad, Shawie...

Linggo ng gabi.

Ayoko nang paabutin pa ng isang susunod na umaga pa uli, nang masamang-masama ang loob sa akin ng kaibigang SHARON CUNETA. Habang ako’y 'di makatulog, nasasaktan din at puno ng pag-aalala sa idinulot kong sakit sa kanyang kalooban.

Nagkamali ako. Buong pagpapakumbaba, gusto kong humingi ng tawad kay Sharon, sa kanyang buong pamilya; sa kanyang mga tagahanga at sa lahat ng tulad kong nagmamahal sa kanya.


Nasaktan din ako sa mga nagdaang taon ng aming paghihiwalay bilang magkaibigan dahil sa mga hindi pagkakaunawaan, dulot ng mga paninira at intriga. Kaya humantong sa ganito.

Pero hindi na mahalaga ang nakaraang 'yun. Nagkamali ako. Sa tulong ng mahabang pagdarasal, at sa payo na rin ng aking Nanay na 80 years old na mahal na mahal si Sharon, mula sa kaibuturan ng aking puso, kailangan kong humingi ng tawad kay Sharon.

Sana tulad ng ilang alaala sa mga larawan, hindi ko pinanaig ang tampo na nauwi sa galit. Sana nag-focus at kumapit na lang ako sa magagandang pinagsamahan ng tunay na pagkakaibigan at mga naiwang ginintuang alaala.

Napakasakit na katotohanan 'yung ang aking panulat na tumulong at nag-angat sa isang simpleng 15-year-old na Sharon Cuneta na puno ng pangarap mula sa unang pelikula niyang Dear Heart hanggang sa siya’y maging isang Megastar, ay ang panulat din na sumira at nanakit ng kanyang damdamin nang sobra-sobra.

Maling-mali ako. Sinsero ako at paulit-ulit akong humihingi ng tawad. Napakasakit din sa kalooban ko na ang natatanging minahal ko sa industriyang ito na higit pa sa tunay kong kapatid, na pinaglaanan ko rin ng higit sa kalahati ng buhay ko, ay sinaktan ko nang lubos. Mula sa maliit na hinampo, 'di ko rin mapapatawad ang sarili ko kung habambuhay na lang kaming magkakasakitan at hindi na magkakaunawaan kailanman.

Hindi na kami mga bata. Lalo na ako. May mga karamdaman na rin ako at inopera na 'ko sa puso. Hindi ko na kakayaning mabuhay araw-araw nang may damdaming sinasaktan. Lalo ko lamang sinasaktan ang aking sarili. Nadala lamang ako ng mga inipong maling simbuyo ng damdamin.

Buong pagpapakumbaba, patawarin mo ko, Shawie. Sana makarating sa puso mo ang taos-puso kong paghingi ng tawad. Kung anuman ang puwede kong gawin para mabawi ang mga panahong nasayang sa pagitan nating dalawa, ay nakahanda akong pagsikapang muling buoin. Sana bigyan mo 'ko ng pagkakataong magkausap tayo nang maayos, upang sa ngalan ng Panginoon, ay personal akong makahingi ng tawad sa iyo.

'Di man ganu'n kadali, sana kahit paano, madugtungan pa ang mga magagandang pinagsamahan natin sa mahabang mga taon. Sana, muli tayong magkaunawaan.

Muli, sana mapatawad mo 'ko. Mahal na mahal kita, Shawie... mula 1981 na sabay tayong nagsimula sa pelikula --- hanggang ngayon. Patawarin mo 'ko...”

Ang comments ng nakararami, patawarin ni Sharon si Ronald, pero ituloy pa rin niya ang pagpa-file ng kaso. May nag-comment naman na hindi sapat ang pagso-sorry ni Ronald dahil idinamay ang mga anak ni Sharon.

As we go to press, wala pang reaction si Sharon sa paghingi ng tawad ni Ronald sa kanya.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.