top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mister na OFW, 1 yr. nang ‘di makontak

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 20, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 20, 2021



Dear Sister Isabel,


Hindi ko na alam ang gagawin ko sa aking problema ngayon. Simula kasi noong nagtrabaho sa abroad ang asawa ko, tatlong taon na ang nakakaraan, hindi pa rin siya umuuwi at halos one year na kaming walang contact sa isa’t isa. May dalawa kaming anak na pawang maliliit pa.


Pumayag akong mag-abroad siya dahil sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas. Noong unang dalawang taon ay okay lang kami at madalas kaming mag-video call. Nagtaka ako dahil biglang hindi na siya nakipag-communicate sa amin at napag-alaman ko na may kinakasama na pala siyang ibang babae ru’n, pero walang makapagsabi ng exact address niya.


Tapos na rin ang kontrata niya sa agency na nagpaalis sa kanya kaya hindi na raw nila alam ang kinaroroonan ng asawa ko. Sa kasulukuyan ay tine-trace ng mga awtoridad ang kinaroroonan niya, pero wala pa ring malinaw na balita. Hirap na hirap na ang kalooban ko at hindi ko alam kung paano itataguyod ang aming mga anak. Bagama’t tinutulungan ako ng pamilya ko, hindi naman ‘yun sapat dahil mahirap lang kami.


Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo kung ano ang gagawin para makayanan ko ang dinaranas kong hirap ng kalooban. Umaasa akong gagaan ang pakiramdam ko sa sandaling mapayuhan n’yo ako. Hihintayin ko ang inyong kasagutan.


Nagpapasalamat,


Dolora ng Malolos, Bulacan


Sa iyo, Dolora,


Sadyang napakahirap sa kalooban ng dinadala mong problema. Makabubuting lakasan mo ang iyong loob alang-alang sa inyong mga anak. Taimtim na dasal ang makakatulong sa iyo dahil walang imposible sa Diyos. Ang inaakala mong suliranin na para bang walang kalutasan ay dagli palang malulunasan, basta’t magtiwala ka lang sa Diyos.


Makabubuting sumangguni ka sa isang pari at sabihin ang lahat ng nagpapabigat sa iyong kalooban. Natitiyak ko na matapos mong makausap ang pari r’yan sa lugar n’yo, gagaan na pakiramdam mo, gayundin, tutulungan ka niya para samahan sa kinauukulang sangay ng pamahalaan para sa kalutasan ng problema mo.


‘Ika nga, hindi pa katapusan ng mundo. May maganda pang bukas na naghihintay sa inyo ng mga anak mo. Alalahaning kung may lungkot, may ligaya at walang permanente sa mundo.


Hanggang dito na lang. Maging matatag ka sa iyong pagpapasya at pagtugon sa mga gawain sa iyong pang-araw-araw na buhay.


Isang araw, magugulat ka na lang dahil sa awa at tulong ng Diyos, lutas na ang problema mo.

Nand’yan na sa harap mo ang iyong asawa na nagsisisi at handang magbago alang-alang sa inyong mga anak. Malay mo rin, hindi pala totoo ang mga balitang nakarating sa iyo. May iba palang dahilan kung bakit hindi na nakauwi ang asawa mo. Anuman ang mangyari, think positive.


Ang mga nangyayari ay pagsubok lang na sa sandaling malagpasan, naghihintay sa iyo ang isang bukas na maaliwalas punumpuno ng galak.



Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page