Mister na may kabit sa abroad, ‘di makontak at wa’ sustento
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig |Pebrero 22, 2023
Dear Sister Isabel,
Dating masaya ang buhay naming mag-asawa kasama ang dalawa naming anak.
Simple lang, kumbaga, hindi naman kinakapos. Hanggang maisipan niyang mag-abroad upang kumita ng mas malaki at matupad namin ang pangarap naming magkaroon ng magandang bahay at magka-kotse.
R’yan nagsimula ang problema ko. Madalang na siyang mag-video call sa aming mag-iina, hanggang tuluyan na kaming nawalan ng kontak. May nakapagsabi sa akin na may babae ang asawa ko at naglilive-in na ru’n sa abroad. Sobra akong nalungkot dahil pati ang padala niyang pera ay nabawasan na.
Ano ang dapat kong gawin? Naguguluhan ako sa mga nangyayari sa buhay ko. Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Bernadette
Sa iyo, Bernadette,
‘Yan ang madalas na mangyari sa paghahangad ng dollar, wasak na pamilya ang kinahihinatnan.
Alamin mong mabuti kung totoo nga ang nabalitaan mo na may babae ang asawa mo sa abroad at naglilive-in na sila.
Kasal ka ba sa kanya? Kung ikaw ang legal na asawa, kumilos ka na. Sabihin mo sa kumpanya o agency niya ang ginagawa ng asawa mo nang sa gayun ay magawan ng paraan at sa iyo lahat i-remit ang suweldo niya at hindi makinabang ang kabit niya.
Gayundin, puwede siyang bigyan ng warning ng kumpanya at pauwiin o hindi na patapusin ang kontrata. Sa ganyang paraan, matitigil ang asawa mo sa mali niyang ginagawa. Mamumulat ang isip niya na hindi siya dapat mahumaling sa kabit niya dahil may sarili siyang pamilya na naghihintay sa Pilipinas at nasasabik sa kanyang pagmamahal at pag-aalaga.
Kung uuwi siya sa iyo, unawain at patawarin mo siya dahil siya ay tao lang na nagkakasala at nagkakamali. Batid kong maisasaayos ulit ang buhay n’yo, babalik ang dating saya ng inyong pagsasama at kumbinsihin mo siya na huwag nang mag-abroad muli.
Magtulungan kayo rito sa ating bansa. Sipag at tiyaga lang ang kailangan dahil maganda pa ring mamuhay sa bayang sinilangan.
Lakip nito ang aking dalangin na malagpasan n’yo ang pagsubok na ‘yan sa buhay n’yo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments