Mister na mas suwerte sa negosyo kesa sa pagiging empleyado
- BULGAR
- Jan 24, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | January 24, 2022

KATANUNGAN
Ang problema ko ngayon ay nanganganib akong matanggal sa trabaho dahil nalulugi na ang aming kumpanya at magbabawas na ng mga empleyado. Gusto kong malaman kung ito na ba ang pangyayaring ibig sabihin ng humintong Fate Line sa aking palad, na minsan ay nabasa ko na rin sa inyong mga artikulo?
At dahil hindi na ito nagpatuloy, ibig sabihin ba nito ay hindi na ako magkakaroon ng bagong trabaho, na siyang labis kong kinatatakutan?
Pakipaliwanag at pakianalisa naman ang kahihinatnan ng aking career para ngayon pa lang ay mapaghandaan ko na kung sakaling tuluyan akong mawawalan ng trabaho dahil kaawa-awa ang pamilya ko, lalo na ang mga anak kong nag-aaral pa ngayon.
KASAGUTAN
Tama ka, Carlos, ang humintong Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) na tinatawag ding Career Line (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay malinaw na nagpapahiwatig na ikaw ay manganganib na mawalan ng trabaho. Pero hindi roon nagtatapos ang istorya ng iyong karanasan, lalo na sa aspeto career at hanapbuhay. Sa halip, kahit hindi nagpatuloy ang Fate Line (arrow a.), mapapansin namang sinapo ng Guhit ng Negosyo (N-N arrow b.) ang humintong Fate Line (F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, matapos kang mawalan ng trabaho, mapapalitan naman ito ng pagnenegosyo, na siyang nais ilarawan ng N-N arrow b. Sa sandaling natanggal ka sa trabaho, higit kang uunlad o aasenso sa pamamagitan ng pangangalakal o pagnenegosyo na may kaugnayan sa junk shop, buy and sell ng palay at bigas, at puwede rin ang paghahayupan, paghahalaman, grocery at iba pang kauri nitong negosyo.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Carlos, hindi ka dapat matakot mawalan ng trabaho, sapagkat pagkatapos nito, isa, dalawa o tatlong buwan lang ang lilipas, muli kang magkakaroon ng panibagong hanapbuhay. Dahil sa iyong pagsisikap at sariling paraan, magiging ganap kang mangangalakal at sa nabanggit na mga produkto, higit kang uunlad hanggang sa tuluy-tuloy nang umangat ang iyong kabuhayan at maluwalhating mapagtapos ang iyong mga anak sa pag-aaral.




Comments