top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mister na ‘di ibinibigay ng buo ang suwelo, misis todo-hinalang may kerida sa abroad

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 9, 2023
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 9, 2023


Dear Sister Isabel,


Isang mapagpalang araw sa inyong lahat, hindi na sana ako sasangguni sa inyo, dahil akala ko ay kaya ko itong sarilihin pero hindi pala.


Tungkol ito sa asawa ko na dating nagtatrabaho sa abroad pero ngayon ay for good na rito sa ‘Pinas.


Ang masakit, natuklasan ko na may naiwan pala siyang karelasyon sa abroad, at may anak na sila. Ayaw niyang aminin kahit anong pilit ko, tsismis lang umano ‘yun.


Matabang na ang pagtingin niya sa akin mula ng bumalik siya rito. Sa awa ng Diyos ay magiliw naman siya sa aming mga anak.


Mahal na mahal niya ang mga bata, kaya lang ay nabawasan na ang ibinibigay niyang budget sa amin. Hindi niya na ibinibigay lahat ng suweldo niya kaya lalo akong naghihinala na pinadadalan niya ang kabit niya sa abroad. Maliit lang marahil ang suweldo ro’n. Hindi kasya sa mga pangangailangan ng anak nila. Kung sa bagay, bumabawi naman siya sa aming mag-iina.


Madalas ay pinapakita niya sa akin ang pagiging thoughtful niya at pinupunan niya naman ang kanyang mga pagkukulang sa abot ng kanyang makakaya. ‘Yun nga lang, hindi ko matanggap na dalawa kaming babae sa buhay niya. Mahirap tanggapin, masakit sa puso’t damdamin.


Ano kaya ang gagawin ko para mapaamin ko siya at matanggap ko ng maluwag sa aking kalooban ang sitwasyon namin ngayon? Kasal kami at may dalawang anak.


Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng kaukulang payo upang matanggap ko ang kalagayan namin.

Nagpapasalamat,

Digna ng Navotas Malabon

Sa iyo, Digna,


Hindi ka nag-iisa sa problema mo. Trending na ngayon ang pagkakaroon ng kabit sa pagitan ng mag-asawa.


Ang maipapayo ko sa’yo ay tanggapin mo na ng maluwag sa iyong kalooban na hindi ka na nag-iisa sa puso ng asawa mo, kahit anong gawin mo hindi mo siya mapapaamin.


Sadyang ganyan ang mga lalaki, kahit huli mo na sa akto, makakalusot at makakalusot pa rin.


Ang mahalaga, kapiling mo siya ng mga anak n’yo. Hindi kayo hiwalay gaya ng iba r’yan na may kabit din ang asawa. Tutal sabi mo mahal na mahal niya ang mga anak n’yo.


Maging malambing ka sa kanya at ipakita mo ang dati mong pagmamahal para manumbalik ang init ng pagmamahal niya sa iyo, at para mawala na rin ang pagiging matabang niya sa iyo upang sa gayun, tuluyan ng mapawi ang pagmamahal niya sa kabit niya.


Unawain mo na lang at lawakan mo pa ang iyong isipan. Alalahanin mo, walang perpektong pagsasama, lahat ng mag-asawa ay nagkakaproblema. Ang mahalaga buo pa rin kayo, nagkakaunawaan at nagmamahalan sa kabila ng pagsubok sa buhay.


Hanggang dito na lang.


Hangad ko ang kapayapaan at kaligayahan ng iyong pamilya.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page