top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mister na dapat sumabak sa pulitika dahil doon yayaman

  • BULGAR
  • Sep 17, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 17, 2021


Dear Maestro,


Bakit ako may nunal sa kanang bahagi ng mukha, sa may pisngi sa gawing itaas at sabi ninyo ay susuwertehin ang mga taong may ganitong nunal, pero bakit hanggang ngayon ay mahirap pa rin kami at puno ng kamalasan sa buhay? Kailan ba ako susuwertehin, kapag ba matanda na ako at hindi na ako makagulapay dahil sa sobrang katandaan?


Simple lang naman ang pangarap ko at ito ay ang mapagtapos sa pag-aaral ang anim kong mga anak at magkaroon ng sariling bahay at lupa, matutupad ba ito at paano ba kami susuwertehin? April 9, 1968 ang birthday ko.


Umaasa,

Marlon ng Bayugo, Meycauyan, Bulacan


Dear Marlon,


Alam ko kung bakit sa kabila ng may nunal ka sa kanang bahagi ng pisngi ay hindi ka pa rin sinusuwerte, gayong ayon sa Molesophy (sining at siyensiya na nag-aaral at nai-interpret ng iba’t ibang nunal at pekas sa balat ng tao upang malaman ang kanilang natatagong ugali at kapalaran) ay suwerte ang anumang nunal na matatagpuan sa kanang bahagi ng mukha.


Sigurado akong bukod sa nunal sa kanang bahagi ng pisngi, marami ka pang nunal sa mukha, partikular sa kaliwang bahagi ng pisngi.


Ito ang dahilan kaya ang nunal mo sa kanang bahagi ng mukha ay tila nababalewala dahil hindi ‘yan “independent mole”. Sa mas klarong paliwanag, kinokontra ng iba pang nunal sa kaliwang bahagi ng mukha ang suwerte sanang nunal sa kanang bahagi ng mukha.


Kaya ‘yung ibang tao na napakaraming nunal sa mukha, as in napakarami, ha, bihira at mahihirapan talaga silang suwertehin dahil nagkalat ang “lucky at unlucky charm” na inirerepresenta ng mga nunal sa iba’t ibang bahagi ng mukha.


Hindi ko naman mairerekomendang burahin mo ang mga nunal sa kaliwang pisngi dahil kung buburahin mong lahat ‘yan, tulad ng inaakala o iniisip natin, masyadong marami at ang iba ay maaaring maliit at malalaki na.


Ngayon, kung tama ang ating sapantaha na may nunal ka nga sa kanang pisngi na simbolo ng suwerte, pero hindi naman makalutang ang magandang kapalaran dahil marami ka ring nunal sa kaliwang pisngi, mas mabuting pagtuunan ng pag-aanalisa ang birth date mo upang matuklasan natin sa pamamagitan ng Astro-Numerology ang iba pang paraan o teknik kung paano ka susuwertehin at matutupad ang mga pangarap mo sa buhay.


Samakatuwid, ikaw ay under sa zodiac sign na Aries, sa birth date na 9 at sa destiny number na 1. Naging 1 ang destiny number mo dahil ang April 9, 1968 ay may ganitong kompyutasyon: 4+9+1968=1981/ 19+81=100/ 10+0=10/1+0=1.


At alam mo ba kung saan ka susuwertehin? Sa pamomolitika at paglilingkod sa bayan. Kaya ngayon pa lang, maghanap ka na ng mga gawain na maaaring makatulong ka sa inyong barangay o makilahok ka sa mga gawaing may kaugnayan sa public service. Puwede ring ang maging daan mo ay sa relihiyon patungo sa pulitika. Basta ang mahalaga, makahanap ka ng daan upang makapaglingkod nang libre at bukal sa loob. Sa ganyang paraan, kapag nasa poder ka na o nagkaroon ng posisyon sa inyong barangay o bayan bilang public servant, magsisimula ka nang suwertehin. Sa ganyang paraan, unti-unting matutupad ang mga pangarap mo, sa tulong din ng mga tao na magiging koneksiyon mo sa pamahalaan at iba pang pribado at mayayamang indibidwal.


Kaya dahil ikaw ay isang Aries, may double strong na number na 9 at 1, at sabi nga natin ay marami kang nunal sa mukha, ngayon pa lang, maglalabas ka na ng bahay dahil kailangan mong gamitin ang nasabing mga datos upang maipakita sa iyong kababayan ang kahalagahan ng iyong talento at nalalaman. Kapag nakilala ka nila na isang mahusay na public servant, tulad ng inaasahan, magsisimula ang iyong malaking suwerte hanggang sa tuloy-tuloy ka nang lumigaya at umunlad, matupad ang iyong mga pangarap na mapagtapos ang iyong mga anak sa pag-aaral at sa bandang huli, dahil na rin sa paglilingkod sa bayan, kusa kang magkakaroon ng sariling bahay at lupa.


Ang pangyayaring tinuran — susuwertehin ka sa paglilingkod sa iyong mga kababayan — ay inaasahang magsisimulang maganap sa taong 2023 sa edad mong 55 pataas.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page