top of page

Mister na Aquarius, ka-compatible kahit ‘di bet ang ugali

  • BULGAR
  • Sep 19, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 19, 2022


Dear Maestro,


Wala pa kaming isang taon na kasal ng mister ko, pero marami na kaming mga bagay na hindi pinagkakasunduan. Sabi n’yo, compatible ang Libra at Aquarius, pero nang kami ay nagsasama na, lumabas na ang maraming bagay na ayaw ko sa kanya.


Nakakahiya mang sabihin, ang isang Aquarius pala ay hindi araw-araw na naliligo. Hindi ko alam kung nagtitipid ba siya ng tubig o sadyang hindi niya hilig ang maligo. Ang isa pang napansin ko sa kanya ay napakatahimik niya. Kung hindi ko siya kakausapin, hindi siya magku-kuwento ng kanyang mga karanasan sa maghapon o sa opisina nila.


Isa pa, napakaseryoso niya ring tao, hindi tulad noong nililigawan niya pa lang ako na may pagka-comedy ang dating niya kahit medyo baduy, at ‘yun ang isa sa mga nagustuhan ko sa kanya.


Hindi rin siya mahilig sa karne, samantalang ‘yun ang hilig kong ulam, kaya sa pagpili pa lang ng kakainin ay palagi na kaming hindi nagkakasundo. Hindi pa siya masyadong showy pagdating sa feelings o pagmamahal niya sa akin, pero pagdating na sa sex, kakaiba talaga siya at minsan ay hindi ko masakyan ang trip niya.


Maestro, sa palagay mo, magtatagal ba ang relasyon namin? Sa tingin ko ay mas marami kaming incompatibility. October 4, 1996 ang birthday ko, habang ang mister ko naman ay February 7, 1990.


Umaasa,

Libra Girl ng Bahay Toro, Project 8, Quezon City


Dear Libra Girl,


Compatible kayo ng mister mo dahil ang birth date mong 4 ay siya ring numero ng mga Aquarius. Bukod kasi sa pagiging Aquarius nila, tulad ng naipaliwanag na, lapitin sila ng mga numerong 4 at 8 kaya na-magnet mo siya, higit lalo kung ikaw ay babaeng medyo chubby at maganda.


Samantala, lumalabas na ang hindi n’yo pagkakasundo dahil sa totoo lang ay isip bata ka pa ngayon — ‘yan din ang isa sa katangian ng mga Aquarius — at napaka-demanding.

Ang bagay naman na ‘yan ang nagugustuhan sa iyo ng mister mo, kumbaga, kakaibang babae ka at sa lahat ng naging girlfriend niya, hindi niya lang masabi, pero iba ka sa lahat.


Habang ganu’n ka rin sa kanya, hindi mo lang masabi na sa lahat ng naging boyfriend mo, siya ang pinaka-weird o kakaiba at unconsciously, tulad ng naipaliwanag na, ang mga incompatibilities n’yo na ‘yan ang lalong nagbibigay ng “bonding” o nagpapatibay sa inyong samahan.


Parang may nakikita ka sa kanya na hindi mo maipaliwanag, at sa kabila ng mga negatibong katangian niya ay mahal mo pa rin siya— ‘yan ang laman ng unconscious self mo, na hindi mo pa kayang aminin ngayon. Ganundin siya sa iyo, sa kabila ng pagka-demanding mo, na halos nanay na ang turing niya sa iyo dahil ang dami mong pinababago sa kanyang buhay, hindi niya rin maipaliwanag kung bakit mahal na mahal ka pa rin niya.


‘Yan ang hiwaga ng inyong samahan. Dahil bagong kasal palang kayo, unti-unti n’yong matutuklasan ang mas malalim at marami pang hiwaga ng inyong pagkatao. At habang tinutuklas n’yo ‘yun, ang mga bagay na kataka-taka sa inyong dalawa ang lalong magpapalalim at magpapainit ng inyong pagmamahalan.


Ang totoo kasi nito, sa 12 zodiac signs, Aquarius ang pinaka-abnormal na nilalang, at ‘yun ang mister mo. Habang sa siyam naman na numero, mula 1 hanggang 9, ang mga taong isinilang sa petsang 4, 13, 22 at 31 tulad mo ay siya namang pinaka-abnormal.


Ibig sabihin, dahil pareho kayong may pagka-weird, tulad ng nabanggit, espesyal at pambihira kasi kayong nilalang, tuloy-tuloy na iinog ang inyong samahan sa mga pagtatanong at hiwaga ng inyong pagkatao, hanggang sa tumanda na kayo nang hindi naghihiwalay. Bagkus, hindi n’yo na alam na habang tumatagal, lalong tumitibay at bumubuti ang inyong pagmamahalan, dahil ang totoo, natagpuan mo ang iyong anino sa kanya, habang siya naman ay ganundin sa iyo.


Ito ang tinatawag na “shadow” kung ang Psychologist na si Carl Jung ang magsasalita. Ang shadow na ito ay palagi mong kasama, pero asar at inis ka sa kanya. Samantalang, ang shadow mo, na kumakatawan sa iyong mister ay naguguluhan din sa iyo. Pero kahit ano’ng iwas, tanggi at gawin niya, hindi niya magagawang makipaghiwalay sa iyo dahil tulad ng naipaliwanag na, ang anino n’yo ay itinakda upang magsama habambuhay.


Kaya sakto sa inyong relasyon ang kasabihang, “Love is a single soul in two bodies.”


Sa madaling salita, ang dami n’yong hindi pinagkakasunduan, ngunit patuloy pa rin kayong nagmamahalan. Sapagkat kahit dalawa ang inyong isip at katawan, hindi mapapasubalian na iisa naman ang inyong puso at nakatalaga na ito upang habambuhay kayong magmahalan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page