top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Mister na 2 yrs. nang patay, nagpaparamdam pa rin

BULGAR
Jan 11, 2023
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 11, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay kung paano ako makakamove on sa pagkamatay ng asawa ko, dalawang taon na ang nakakalipas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makamove on, palagi pa rin akong umiiyak sa aking higaan. Damang-dama ko na buhay pa siya at kasama pa rin namin. Gayundin, hindi ako makatulog nang mahimbing at parang laging may kumakalabit sa akin at nagpaparamdam na nandito pa siya sa lupa at ayaw pa niyang umakyat sa langit.


Sa totoo lang, biglaan ang pagkamatay niya dahil nalunod siya. Gusto ko nang matahimik at magkaroon ng kapayapaan ang puso at isipan ko, pero hindi ko magawa. Nararamdaman ko na palagi kong katabi ang yumao kong asawa.


Ano ang mabisang paraan para makamove on ako at para hindi na rin ako gambalain ng yumao kong asawa? Hihintayin ko ang sagot n’yo.


Nagpapasalamat,

Vicky ng Zambales



Sa iyo, Vicky,


Nakikiramay ako sa pagkamatay ng asawa mo. Gayunman, makabubuting lahat ng naiwan niyang gamit ay itago mo na, at mas mabuti kung susunugin mo ang mga ito. Buhay pa kasi ang kaluluwa niya, kumbaga, physical body lang ang nawala, kaya babalik-balikan pa niya ang mga bagay o kasuotang paborito niya noong narito pa siya sa mundo natin, lalo na kung nakikita niya na nakasampay lang o hindi pa itinago sa aparador ang mga ito.


Mahihirapan siyang umakyat sa langit hangga’t hindi mo pa itinatago o sinusunog ang mga gamit niya dahil malilito siya kung ano talaga ang pipiliin sa langit o lupa. Aakalain niya na taga-lupa pa siya hangga’t nakikita pa niya ang mga bagay na may kaugnayan sa kanya noong siya ay nabubuhay pa.


Gayundin, kapag naramdaman mong nand’yan lang siya sa tabi mo, kausapin mo siya at sabihin mo na hanapin na niya ang kaliwanagan dahil hindi na siya taga-lupa, bagkus, siya ay taga-langit na. ‘Yun ang totoo niyang tahanan at hindi rito sa lupa. Nakikitira lang siya sa lupa noong siya ay nabubuhay pa. Ngayon ay may pagkakataon na siyang umakyat sa langit, kung saan walang gutom, uhaw at problema sa buhay. Gayundin, aaliwin siya ng mga anghel na masayang nag-aawitan.

Ipinapayo ko na magpamisa ka na rin para sa kaluluwa niya at ipagdasal mo siya nang siyam na araw para madali siyang makaakyat sa langit. Malaki ang maitutulong ng dasal para magkaroon ng katahimikan ang kanyang kaluluwa.


Samantala, tanggapin mo rin na may hangganan ang buhay sa mundo. Hindi habambuhay ay kasama mo siya. Libangin mo ang iyong sarili sa mga bagay na makakapagpasaya sa iyo. Walang ibang makakagamot sa depresyon o kalungkutan mo kundi ikaw din. Kumilos ka at harapin ang buhay nang may buong tapang.


Humayo ka at magsaya sa piling ng pamilya at mga kaibigan mo. Sa ganyang paraan, mas madali kang makakamove on.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page