top of page

Misis nag-invest, mister na OFW wa’ malay na ipong pera na-scam, simot!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 26, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 26, 2023


Dear Sister Isabel,


Shout out sa inyong lahat d’yan sa Bulgar.


Akala ko ay kaya kong sarilihin ang problema ko pero hindi pala. Ang sikip sa dibdib at parang sasabog ang ulo ko, dahil Sister Isabel, na-scam ako, hindi pa ito alam ng asawa ko na nagtatrabaho sa abroad. Umabot na sa million ang na-scam sa akin.


Hindi ‘ko agad ito nahalata, dahil noong una ay ayos naman ang narereceived kong commission, ngunit sa umpisa lang pala ‘yun. Noong tumagal ay ‘di na ako nakakatanggap ng mga share ko sa transaction namin ng kadeal ko. Hanggang tuluyan na siyang naglaho. Hindi ko na siya macontact, gulung-gulo na ang isip ko kung paano ko ito sasabihin sa asawa ko.


Panigurado ay magagalit siya, dahil nagastos ko lahat ng aming naipon. Buti na lang ay nasa abroad siya, kung hindi ay baka nasaktan niya ko at maaaring hiwalayan niya rin ako. Malapit na siyang umuwi rito sa Pilipinas.


Ano kaya ang magandang diskarte para ipagtapat ko sa asawa ko na hindi siya mabibigla at magagalit ng husto dahil sa aking kapabayaan. Nawa’y matulungan niyo ako.

Nagpapasalamat,

Veronica

Sa iyo, Veronica,


Iyan na nga ba ang ibig sabihin ng kasabihang “Ang maghangad ng kagitna, isang salop ang mawawala.”


Sa kagustuhan mong madoble ang ipon niyo, na-scam ka tuloy. Nawa’y matuto ka na sa susunod. Maging leksyon nawa sa iyo ang sinapit mo. Huwag basta-basta kakagat sa patibong ng mga scammer.


Ganyan talaga sila sa umpisa maganda pero habang tumatagal lalabas na ang katotohanang biktima ka pala ng kanilang scam.


Ang pinakamaganda mong gawin kapag dumating ang asawa mo ay huwag mo itong biglain. Hinay-hinayin mo lang siya at pakiramdaman mo ang kanyang mood. Kapag sa palagay mong puwede mo nang ipagtapat ang problema mo, gawin mo na gamit ang malumanay na pananalita. Kung maaari ay magdasal ka muna ng taimtim sa kuwarto mo. Humingi ka ng patnubay sa langit na samahan ka habang kinakausap mo ang asawa mo upang magabayan ka nito kung paano mo ito ipapaliwanag sa asawa mo.


Sa sandaling malaman na niya ang katotohanan na naubos ang naipon niyo dahil nabiktima ka ng scammer.


Kaya mo yan, matatanggap ng asawa mo ang mga pangyayari. Mananaig pa rin sa kanya ang pagmamahal sa inyo na hindi niya hahayaang mawasak dahil lamang sa pera.


Pera lang ‘yan, maibabalik din. Ang mahalaga, nar’yan pa rin ang pagmamahalan at pagkakasundu-sundo ng bawat isa. Lakip ko ang dalangin na hawakan ng Diyos ang iyong puso’t kalooban habang kinakausap mo ang iyong asawa tungkol sa problema niyo. Hanggang dito na lang, alalahanin mo ang bawat problema ay may kalutasan.


Walang permanente sa mundo, lahat ay dadaan at lilipas.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page