top of page

Misis na sumama sa ibang guy, makakabalikan

  • BULGAR
  • Mar 13, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 13, 2022



Dear Maestro,


Isinilang ako noong October 12, 1982 at kasalukuyang hiwalay sa asawa. Nagtrabaho kasi ako sa Saudi at habang nandu’n ako, ang misis ko ay nanlalalaki pala rito sa Pilipinas. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung magkakabalikan pa ba kami?


Ang balita ko ay nagsasama na sila nu’ng kalaguyo niya. January 27, 1984 ang birthday ng misis ko.


Umaasa,

Warren ng Bucal, Sariaya, Quezon


Dear Warren,


Kung legal kayong mag-asawa, ibig sabihin, may pinanghahawakan kang mga dokumento o patunay na asawa mo siya at may matibay ka ring ebidensiya na nanlalaki o sumama siya sa ibang lalaki, puwede mo siyang idemanda at ipakulong.


Ngayon, kung magsasawalang-kibo ka at hihintayin mo na bumalik ang iyong misis, kung mag-aaway sila ng kinakasama niya ngayon, maaaring magbalik pa siya sa iyo, pero kung nagkataong tulad mo na ka-compatible ng misis mo ang naturang lalaki, para kang hilong-talilong na naghihintay sa wala at hindi man lang nabigyan ng katarungan ang ginawang panloloko ng iyong misis.


Samantala, ayon naman sa pag-aanalisang Astro-Numerology, tugma ang zodiac sign mong Libra sa zodiac sign na Aquarius ng iyong misis. Sapagkat ang Aquarius at Libra ay may iisang elementong tinataglay – ang air o hangin.


Nagkataon ding hindi lang kayo sa Astrology magkatugma, bagkus, sa aspetong Numerology ay halos ganundin, kung saan ang birth date mong 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) at birth date na 27 o 9 (ang 27 ay 2+7=9) ng iyong misis ay nagsasabing dahil kapwa kayo nasasakop ng tinatawag na numerong series of 3-6-9, magka-compatible kayo sa isa’t isa.


Kaya kung sakaling hindi talaga ka-compatible ng misis mo ang kinakasama niya ngayon, tulad ng nasabi na, malaki ang posibilidad na muli siyang bumalik at mabuo ang inyong pamilya, na tinataya at inaasahang magaganap sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Disyembre, sa edad mong 41 pataas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page