top of page

Misis na hirap mag-budget, problemado dahil laging inaaway ng seaman na mister

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 28, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 28, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa pinapadalang pera sa akin ng husband ko na nagtatrabaho sa barko. Seaman siya, ngunit hindi ito nagkakasya sa araw-araw na panggastos, kasama ang tatlo naming anak na pawang nag-aaral pa.


Lagi niya akong hinahanapan ng pera. Bakit daw ako kinakapos, ang laki na nga raw nang pinapadala niya.


Para sa kanya malaki na ang naipapadala niya pero hindi talaga ito kasya. Kulang na kulang ito lalo na’t lahat ng anak namin ay nag-aaral. Sobrang dami school project.


Ang mamahal pa ng mga materyales na dapat bilhin kaya hindi ko ito maipagkasya.


Kapag nagpapaliwanag ako ay ‘di siya naniniwala kung bakit kapus ang pinapadala niya. Sa totoo lang, ang pinakamagastos na yugto ng buhay ng mag-asawa ay ang magpaaral lalo na kung sabay-sabay gaya ng mga anak namin.


Bakit kaya hindi maisip ng asawa ko ‘yan. Napakagastos magpaaral, sumasakit na ang ulo ko sa pagba-budget. Madalas na akong sumpungin ng migraine.


Ano kaya ang marapat kong gawin para maunawaan ng asawa ko ang sitwasyon namin dito ng mga anak niya. Kahit anong gawin kong paliwanag ay ayaw niyang tanggapin.


Sana ay matulungan niyo ako sa dapat kong gawin para maintindihan ito ng asawa ko. Umaasa akong matutulungan niyo ako.

Nagpapasalamat,

Brenda ng Lipa, Batangas

Sa iyo, Brenda,


Pagpasensyahan mo na lang ang asawa mo, unawain at lawakan mo na lang ang isipan mo kapag sinesermunan ka niya.


Sobrang hirap din siguro ng kalagayan niya ro’n sa barko. Hindi masosolusyunan ‘yan kung kayo ay mag-aaway at laging nagtatalo sa mga pang-araw-araw na gastos ng pamilya niyo.


Ipagdasal mo na lamang ang asawa mo. Humingi ka ng tulong sa Diyos, upang mahawakan niya ang puso’t isipan ng asawa mo para hindi ka laging hinahanapan ng pera. Makapangyarihan ang dasal. Sama-sama kayong magdasal ng mga anak mo para gumaan ang pang-araw-araw na suliranin sa inyo. Makikita mo, gagaan at luluwag ang kalooban mo sa susunod na mga araw.


Walang imposible sa Diyos. Manalig at manampalataya ka sa kanya. Tiyak na malulutas na ang iyong pasanin. Mag-isip ka rin ng pagkakakitaan na may maliit na puhunan, upang sagayun matuwa ang asawa mo at hindi na laging magtatanong sa pinagkakagastusan mo. Hanggang dito na lang, nawa’y gumaan ang iyong pakiramdam sa mga payo ko.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page