Misis na babalik-balikan ng mister kahit mambabae
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | January 27, 2022

KATANUNGAN
Ang problema ko, Maestro ay tungkol sa aking mister. Nahuli ko siyang may textmate na babae at madalas ko siyang nahuhuling nagkukulong sa CR at kunwari ay naliligo o dumudumi, pero may ka-text lang siya. Kaya pala palagi siyang matagal gumamit ng CR.
Nalaman ko ito dahil nagagalit siya kapag ginagalaw ko ang cellphone niya. At kapag tinatanong ko siya, kaibigan niya lang daw ang ka-text niya, kaya wala raw akong dapat na ipagselos o ipag-alala. Pero malakas ang kutob ko na nambababae siya.
Ano ang dapat kong gawin para makumpirma ko na may babae nga ang mister ko? Natatakot kasi akong dumating ang panahong bigla na lang niya kaming iwanan.
Nasa guhit ba ng aking mga palad na mahihiwalay ako sa asawa? Gusto ko itong malaman upang ngayon pa lang ay mapaghandaan ko na ang pag-alis niya.
KASAGUTAN
Hindi ka dapat mag-isip ng masama o maghinala, higit lalo ang pinag-iisipan mo ng masama ang iyong mister o asawa. Sabi nga, “As a man thinketh, so is he!” Ito ay nangangahulugang kung ano ang iniisip mo, sa bandang huli, posibleng ‘yun ang mangyari at magkatotoo dahil makapangyarihan ang isip.
Gayunman, sinasabi ng guhit ng iyong palad na mambabae man ang ang iyong asawa, tiyak na hindi ka mahihiwalay sa kanya, sapagkat iisa lang ang matuwid at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na kung hindi lang pamamahayan ng takot at matinding pagseselos ang iyong isipan, tulad ng naipaliwanag na, mananatili sa buhay mo ang iyong asawa. Mambabae man siya, balewala rin dahil sa bandang huli, hindi ka niya iiwan, at kahit lumayo pa siya, sa iyo pa rin siya babalik, anuman ang mangyari at maganap sa ginagawa niyang pambababae.
MGA DAPAT GAWIN
Tulad ng nasabi na, Lorna, ‘wag mo nang intindihin ngayon kung may babae o wala ang iyong asawa hangga’t buo ang iniintrega niyang pera, gayundin, hangga’t active pa ang inyong sex life.
‘Ika nga, sa maayos at matatag pa rin naman ang dalawang sangkap na ‘yun ng inyong pagmamahalan (sex and pera), mas maganda kung patahimikin mo na lang ang iyong isipan upang hindi ka mamroblema.
Sapagkat ayon nga sa iyong mga datos, napakalinaw naman ng ipinapahayag, may babae man o wala si mister (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), itinakda na ng tadhana na habambuhay pa rin kayong magsasama.





Comments