Misis, dapat humawak ng negosyo dahil wa’ suwerte ang mister
- BULGAR
- Aug 9, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 9, 2022

KATANUGAN
Marami na akong nasubukang negosyo, pero puro palpak kaya nalugi ako. Kung inipon ko sa bangko ang mga perang ipinuhunan ko, malamang ay marami na ‘yun at may tubo pa, gayundin, mayaman na siguro ako ngayon.
Pero hindi ganu’n ang nangyari, sa halip, nalugi ang halos lahat ng negosyo na pinasok ko. Kaya gusto kong malaman, Maestro, kung sadya bang wala na sa palad ko ang magtagumpay sa negosyo? Kung wala sa negosyo ang suwerte ko, saang larangan ako mapalad?
KASAGUTAN
Nahulog sa pagitan ng hinlalato at palasingsingan (arrow a.) ang Business Line (Drawing A. N-N arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, dahil may Business Line ka (N-N arrow b.), makakapagnegosyo ka, pero sa umpisa lang ito magiging malakas at produktibo, pero kapag tumagal na, hindi mo sinasadya na magiging magastos ka at may pagka-mayabang dahil akala mo ay asensado na ang business mo. Dahil dito, nagagastos mo sa walang kuwentang bagay ang iyong tinutubo sa nasabing negosyo at hindi mo namamalayan na pati ang puhunan ay nauubos mo na rin. Hanggang sa magising ka na lang isang umaga, bangkarote na ang iyong negosyo at baon ka pa sa utang.
Ito ang kadalasang nangyayari sa buhay ng Taong Nueve (9) na tulad mo na may birth date na 27. Dahil hindi naman talaga negosyo o salapi ang pakay nila kundi recognition ng lipunan. Ang tawag natin dito ay ‘unconscious motivation’ na magmayabang ang mga Taong Nueve, kaya madalas na nalulugi sa negosyo nang hindi nila namamalayan.
Samakatuwid, ayon sa guhit ng iyong palad na kinumpirma ng birth date mong 27, wala talaga sa palad o kapalaran mo ang magtagumpay at umasenso sa larangan ng negosyo. Ngunit hindi ka pa rin dapat mawalan ng pag-asa dahil kung nahulog sa pagitan ng mga daliri ang iyong Business Line (Drawing A. N-N arrow a. at b.), ang misis mo naman na may birth date na 17 – na nagtataglay ng hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri na Business Line (Drawing B. N-N arrow c.), sa halip ay nanatiling nasa ibabaw ng Mount of Sun (Drawing B. arrow d.) sa kaliwa at kanan niyang palad – ang dapat mong bigyan ng puhunan, habang ikaw naman ay adviser o kanang kamay lamang.
Sa ganu’ng paraan kayo uunlad, aasenso at yayaman, sapagkat tulad ng nasabi na, higit na business minded at suwerte sa negosyo ang misis mo, na siyang tunay na susi upang umasenso, umunlad at ganap na yumaman ang inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa inyong mga datos, Andrew, gayundin ang misis mo, hindi ikaw ang itinadhana upang magnegosyo at umunlad. Sa halip, nasa mga kamay ng misis mo, sa pamamagitan ng negosyong siya ang makakaisip at magma-manage ang ikakaasenso at ikakayaman ng inyong pamilya.
Sa susunod na taong 2023 at sa buwan ng Mayo, puwede na kayong magsimula upang tuloy-tuloy nang umunlad hanggang sa tuluyan nang yumaman ang inyong kabuhayan, gayundin ang inyong pamilya.




Comments