Mga turista, hinay-hinay lang, may COVID pa
@Editorial | November 25, 2021
Nagsimula nang makulayan ang mga drawing na outing, pasyal at gala ng mga magkakapamilya at magtotropa.
Ito ay kasunod na rin ng mga pagluluwag sa mga quarantine restrictions.
Ang problema, dumami naman ang pasaway.
Batay sa ulat, lalo pang tumaas ang bilang ng mga turistang nasisita dahil sa paglabag sa minimum health protocols.
Tulad umano sa Isla ng Boracay na ngayo’y nasa Alert Level 2.
Ayon sa mga awtoridad, may mga naitalang paglabag sa minimum public health standards tulad ng hindi pagsusuot ng facemask at paglabag sa curfew hours na alas-12: 00 ng hatinggabi hanggang alas-4: 00 ng madaling-araw.
Pawang tiniketan ang mga violators na may multang P2, 500.
May nasita rin na turista dahil sa pag-ihi sa front beach na paglabag sa Municipal Ordinance No. 311.
Matapos alisin ang RT-PCR test sa mga fully vaccinated na turista, umaabot na umano sa 40,474 ang tourist arrivals simula Nobyembre 1 hanggang 21 o may average nga 1,500 hanggang 2,000 na bisita kada araw.
Ganito karami ang dapat na makontrol, pero kung lahat ay may disiplina, wala na sanang problema.
Palaging ipinaaalala na ang pagiging bakunado ay hindi lisensiya para magpabaya o magpasaway.
Halos ngayon pa lang bumabawi ang ating turismo, huwag nating pigilan pa.
Maawa tayo sa mga kababayan nating napakatagal naghintay at nagsakripisyo hanggang sa muli silang makabalik sa hanapbuhay.
Kung hindi kayang sumunod sa mga panuntunan sa mga lugar na pupuntahan, mas mainam na manahimik na lang kayo sa loob ng bahay.
Hindi na nga kayo nakakatulong, dagdag pa kayo sa sakit ng ulo ng gobyerno at ng inyong kapwa.



Comments