Mga tsuper, never-say-die sa taas-pasahe
@Editorial | April 7, 2022
Kung pansamantalang sinuspinde ang pamimigay ng fuel subsidy, itutuloy naman ng transport group ang kanilang petisyon para sa taas-singil ng pamasahe na P14 sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog.
Ayon sa lider ng jeepney operators at drivers group, nakatakdang magsagawa ng pagdinig sa Mayo at dito tatalakayin ang kanilang petisyon.
Kinumpirma rin ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa kasalukuyan, nasa P9 ang minimum fare sa jeepney.
Nauna nang sinabi ng transport groups na hindi na sila hihirit ng pagtataas sa singil sa pamasahe kung dodoblehin ng pamahalaan ang ibibigay na fuel subsidy at pagpapalawig ng service contracting program.
Bagama’t nauunawaan umano nila ang pagtigil ng pamamahagi ng subsidiya dahil sa disbursement ban ng Comelec kaugnay sa nalalapit na halalan ay marami pa rin umanong mga siyudad ang nangangailangan ng fare hike dahil nananatili pa ring pabago-bago ang presyo ng petrolyo.
Matindi talaga ang epektong naidudulot ng oil price hike lalo na kung walang tigil. Halos ito ang nagdidikta sa ating ekonomiya dahil sa ‘domino effect’. Kapag nagtaas ang presyo ng petrolyo, susunod na ang mga bilihin at serbisyo.
Kung magtataas ng pasahe, at ganu’n kalaki, tiyak na mga komyuter naman ang kamot-ulo. Ang pisong dagdag-pasahe nga ay masakit na sa bulsa, paano pa ang katorse pesos?
Nauunawaan din naman natin ang sakripisyo ng mga tsuper, hindi biro ang mamasada na halos wala namang maiuwi sa pamilya.
Kaya ang pakiusap natin sa kinauukulan, pag-aralang mabuti ang kanilang petisyon. Kung makatarungan, ibigay, kung medyo hindi uubra, ipaliwanag nang maayos.
Sa huli, at sa kabila ng mga pagsubok, mas nananaig pa rin naman sa atin ang kabutihan, pang-unawa at paglilingkod sa kapwa.



Comments