Mga tserman na patulug-tulog sa pandemic, mahiya naman kayo!
@Editorial | January 12, 2022
Inamin ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa critical risk na ang Pilipinas dahil sa Omicron variant.
Ito ang naging ulat ni Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People.
Ayon sa kalihim, kasalukuyang nasa critical risk case classification ang Pilipinas dahil may pagtaas na 690% ang kaso sa seven-day average of daily reporting cases.
Sinabi pa ni Duque na nalagpasan na ng Omicron ang Delta bilang dominant variant sa Pilipinas.
Base ito aniya sa genome sequencing, kung saan 60 percent sa samples na nasuri ay positibo sa Omicron variant.
Anumang variant ng COVID-19, ang tanong, naipatutupad ba nang maayos ang mga protocols?
May kababayan tayong hindi maiwasang punahin ang mga opisyal ng gobyerno na tila natutulog sa pansitan sa gitna ng pandemya.
Kinukumusta si ‘Tserman’ kung sapat ba ang ginagawang pagkilos o pagbabantay sa mga nasasakupan.
Kapansin-pansing may ilang barangay na parang walang pakialam sa nangyayari. Marami pa rin ang nakatambay sa labas, nagkukumpulan at wala pang facemask. Magtataka pa ba tayo kung bakit lumala ang COVID cases?
Sa mga kapitan na tila nagkukulong sa bahay o opisina, galaw-galaw din. Huwag iasa sa national ang lahat. Bilang tayo ang pinakamalapit sa publiko, tayo sana ang higit na nangangalaga at nagbabantay sa kanilang kaligtasan.



Comments