Mga titser at estudyante, tiyaking safe sa balik-face-to-face
@Editorial | February 04, 2022
Dinagdagan pa ng Department of Education (DepEd) ang mga public at private schools sa bansa na magsasagawa ng limited face-to-face classes.
Binigyan na ng awtorisasyon ang lahat ng DepEd regional directors na simulan na ang progressive expansion phase ng in-person classes.
Ang expansion phase ay ikalawa sa tatlong bahaging plano ng DepEd sa muling pagbubukas ng basic education schools matapos ng halos dalawang taon na natigil ito dahil sa COVID-19 pandemic.
Naganap ang unang phase nito noong Nobyembre hanggang Disyembre na halos 300 eskuwelahan ang lumahok.
Nilinaw na tanging mga lugar na nasa Alert Level 2 lamang ang papayagan sa limited face-to-face classes.
Tulad ng ginawa noong una, dapat ipaalam ito sa local chief executive ng lugar kung saan gaganapin ang limited face-to-face classes.
Tulad ng palaging paalala, tiyakin nating handa at ligtas ang lahat ng magbabalik-eskuwela habang nasa gitna ng pandemya.
Bagama’t hindi natigil ang paghahatid ng edukasyon, batid natin ang mga pagbabago at hirap para magawa ito.
Kaya ngayong unti-unti na tayong bumabalik sa nakasanayang sistema, masasabing nakakagaan na rin ng kalooban. Gayunman, dahil nand’yan pa rin ang banta ng COVID-19, hindi dapat magpabaya.
Mas kailangan nating maipaunawa sa mga bata ang kahalagahan ng pag-iingat.
Lalo na’t naobsernahan umano Department of Health ang bahagyang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa hanay ng bata.
Mula umano sa average na 35-percent noong Setyembre ng nakaraang taon ay tumaas ito sa 37-percent nitong Enero.
Kaya sa mga magulang at guro, pagtulungan nating mapangalagaan ang mga bata.
Huwag nating hayaang makalusot ang sakit habang sila’y nasa labas ng bahay. At sa mga bagets, makinig at sumunod sa nakatatanda. Lahat ay kabahagi sa patuloy na paglaban sa COVID at pagtawid sa ‘ika nga ay “new normal”.



Comments