Mga tambay ng mall, hinay-hinay
@Editorial | December 05, 2021
Grabe ang trapik, lalo na sa mga lugar kung saan may mall.
Mula sa kalsada hanggang sa mismong loob ng establisimyento, talagang dikit-dikit na ang mga tao.
Halo-halo na rin, may bata, matanda pati beybi, tangay ng magulang para makapamasyal.
May kabataang grupo kung rumampa kahit wala namang bibilhin sa loob, tamang tambay at ikot lang.
Ganundin ang mga may edad na na gusto lang din makapagpalamig.
Ang mga ganitong senaryo ang ikinababahala ng mga awtoridad — dikit-dikit, may pagkakataong hindi maayos ang suot ng facemask at kung saan-saan humahawak.
Nangyayari ang mga ganitong eksena sa gitna ng banta ng Omicron.
Kahit anong saway ng mga guard, hirap talagang makontrol ang pagdagsa ng mga tao, lalo na sa mall na malapit sa mga community.
Kaya kailangan ng mas matinding diskarte kung paano ito mapipigilan sa lalong madaling panahon.
Hindi natin masasabi ang virus. Bumaba na ang kaso ng nagkaka-COVID, halos wala nang naa-admit na pasyente nagpopositibo sa sakit na ito, ‘wag na sanang bumalik sa dati.
Pakiusap sa lahat, hinay-hinay. Huwag makalimot at palaging isaalang-alang ang kaligtasan ng sarili at ng pamilyang uuwian.



Comments